Advertisers
TIMBOG ang isang miyembro ng gun-for-hire group at itinuturong middleman sa pagpaslang sa mag-asawang online seller na sina Arvin at Lerma Lulu sa Mexico, Pampanga noong Oktubre.
Sa bisa ng warrant of arrest, dinakip noong Sabado si Almario Miranda y Magno, 64 anyos, ng Barangay Mangga, San Isidro, Nueva Ecija.
Nakuha kay Miranda ang isang caliber .9mm na baril na may kasamang magazine na kargado ng limang bala.
Ayon kay Police Regional Office (PRP) 3 Director, Brigadier General Redrico Maranan, isang mahalagang hakbang ang pagkakahuli sa suspek upang mapanagot ang lahat ng nasa likod ng pagpatay sa mag-asawang Lulu.
Nasa kustodiya ng San Isidro MPS ang suspek.
Matatandaang lulan ng itim na pickup ang mag-asawa nang paulanan sila ng bala ng riding in tandem sa Mexico, Pampanga noong Oktubre 4, 2024.
Anim na beses binaril si Arvin, at tatlong beses si Lerma.
Nakaligtas mula sa trahedya ang anim na taon-gulang na anak at pamangkin ng mga ito.
Unang nahuli ang gunman at backrider na sina Arnold Taylan at Arnel Buan sa Nueva Ecija, at tinukoy nila ang kumpare ng mga biktima na si Anthony Limon na utak sa krimen kasama ang mga kasabwat pa nila na sina Robert Dimaliwat, Rolando Cruz, Jomie Rabandaban at Sancho Nieto.
Ayon sa pulisya, isa ring online seller si Limon at may utang itong P13 million sa mag-asawa.