Advertisers
NASAWI ang isang kilalang police intelligence agent nang pagtulungang barilin sa harap mismo ng kanyang pamilya sa parking area ng isang shopping mall sa Cotabato City, Linggo ng gabi, December 1, 2024.
Kinilala ang nasawi na si Master Sgt. Manuel Bongcawil.
Sa mga inisyal na ulat nitong Lunes ng Cotabato City Police Office at ni Brigadier General Romeo Juan Macapaz, direktor ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, kakababa lang ni Bongcawil at ng kanyang pamilya sa underground parking area ng City Mall at pasakay na sa kanilang kotse nang lapitan ng mga lalaking naka-facemask at halinhinang pinaputukan ng mga .45 caliber pistol.
Si Bongcawil ay nagtamo ng maraming merit at special citation medals kaugnay ng kanyang mahusay na pagserbisyo bilang kasapi ng PRO-BAR, isang intelligence operative ng Maguindanao del Norte Provincial Office.
Agad namatay si Bongcawil sa harap mismo ng kanyang kabiyak at mga anak. Mabilis na nakatas ang mga salarin gamit ang isang getaway vehicle.
May teorya ang kanyang mga kamag-anak at mga imbestigador ng Cotabato City Police force na may kinalaman sa trabaho ang brutal na pagpatay sa biktima.