Advertisers
GOOD NEWS para sa mga bayani ng bahay sa Metro Manila!!!
Opo! Inaprubahan na ang P500 wage hike para sa mga kasambahay sa National Capital Region o Metro Manila. Epektib ito sa Enero 4, 2025.
“This will bring the sector’s monthly minimum wage to P7,000,” saad ng department of Labor and Employment (DOLE).
“All dometic workers in the NCR are covered by the wage order, regardless of their type of employment, whether live-in or live-out,” saad ng NWPC
Bigtime na si Inday!
***
May balita na pagkakalooban ng bail si Tony Yang, ang utol ng dating adviser ni ex-President Rody Duterte na si Michael Yang na umano’y isang drug lord at sangkot sa mga operasyon ng mga iligal na POGO sa bansa.
Inaresto si Tony Yang dahil sa pagpiprisinta na isa siyang Filipino at sangkot din sa mga iligal na POGO.
Say ni Senador Risa Hontiveros, mayroon mga opisyal ng Bureau of Immigration na nagsisikap mapalaya sa pamamagitan ng piyansa si Tony Yang sa kabila na napakaraming ebidensiyang nagdidin sa kanya sa mga iligal na aktibidades sa bansa.
Kapag pinapiyansa si Tony Yang tiyak na maglalaho rin ito tulad ng kanyang brader na si Michael. Peks man!
Si Michael Yang, isang Chinese national na iligal na ginawang economic adviser noon ni Duterte, ay naglahong parang bula nang simulang imbestigahan ng House Quad Committee ang mga iligal na POGO, droga at extrajudicial killings kaugnay ng war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Consistent sa paglalahad ang mga testigo na si Michael Yang ay isang drug lord at financier ng mga iligal na POGO sa Pilipinas na nagsulputan nang maupong presidente si Rody Duterte noong 2016.
May mga nakabinbin na arrest warrant laban kay Michael Yang sa Kongreso, at may mga nakasampang kaso sa korte. Hindi na siya matagpuan tulad ni Peter Lim na “kumpare” rin ni Duterte.
Si Peter Lim ang sinasabing drug lord ng Visayas.
***
Ibinasura ng Comelec ang petition na nagpapa-disqualify kay Pastor Apollo Quiboloy sa pagtakbong Senador sa 2025.
That means wala nang balakid sa pagtakbo ni Quiboloy para Senador. Manalo naman kaya siya? Masusubukan dito kung gaano nga karami ang tagasunod niya sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na kanyang itinatag.
Pero kahit manalo pang Senador si Quiboloy ay wala siyang immunity, makukulong parin siya habambuhay kapag napatunayang nanggahasa siya at sangkot sa maraming kasong walang piyansa.
Dito lang sa Pilipinas ay nahaharap si Quiboloy sa mga kasong sexual abuse sa bata, child abuse at human trafficking sa dalawang korte, sa Pasig City RTC at Quezon City RTC.
Sa Amerika, sa US District Court fo the Central District of California, si Quiboloy ay nahaharap din sa mga kasong sex trafficking by force, fraud and coercion, sex trafficking of children, marriage fraud, fraud and misuse of visas, bilk cash smuggling, promotional money laundering, concealment money laundering, at international promotional money laundering.
Ang dalawang opisyal niya sa KOJC sa Amerika ay nakatakda nang hatulan sa sunod na mga buwan matapos umaming ‘guilty’ sa mga inaakusa sa kanila.
Sa tambak na kasong ito laban kay Quiboloy, himala nalang ang makapagliligtas sa kanya. Dito malalaman kung tunay ngang “Son of God” siya tulad ng kanyang ipinangangalandakan.
Happy New Year sa ating lahat!!!