Advertisers
NASAKOTE ng pinagsanib na mga elemento ng militar at pulisya ang isang notoryus na lider ng nalalabing puwersa ng New People’s Army (NPA) at isa pang rebelde sa isinagawang law enforcement operations sa Davao City noong Sabado.
Sa report ni Major General Allan Hambala, kumander ng 10th Infantry Division (ID) ng Philippine Army, kinilala ang mga nasakote na sina Benny Flores Mendoza, gumagamit ng mga alyas “Ka Jack”, “Kikay”, “Porong” at “Larry”, political instructor at kasapi ng Southern Minda-nao Regional Command Executive Committee (EXECOM); at Francisco Rotol Sud-ongan alyas “Ka Yassie”, “Danny” at “Dino”, miyembro ng nasabing communist movement.
Ayon sa report, nasakote sina Mendoza at Sud-ongan nitong Sabado sa St. Andrew, Purok 23 B, Isla Suerte, Brgy 76A, Bucana, Talomo District, Davao City.
Inaresto si Mendoza sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court (RTC) Branch 56, Compostela, Davao de Oro kaugnay ng paglabag sa Republic Act 10364 (Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012).
Nakumpiskahan ng isang caliber .45 pistol at fragmentation grenade si Sud-ongan. Nakakulong siya ngayon sa CIDG XI sa San Pedro, Davao City.