Advertisers
MAYROONG malaking bahagi sa 2025 national budget ang sektor ng edukasyon ang matapos tapyasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng budget ang ilang items sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Pinirmahan ni Pangulong Marcos, nitong Lunes, upang maging ganap na batas ang 2025 national budget matapos na i-veto nito ang P194 bilyon na line items.
Magugunitang, ang government budget para sa susunod na taon ay orihinal na itinakda sa halagang P6.352 trillion, subalit ang ginawang pag-veto ng Pangulo sa ilang line items ang dahilan para lumiit ito sa P6.326 trillion.
Sa mga vetoed items, P26.065 billion ang proyekto sa ilalim ng DPWH at P168.240 billion ang inilaan sa ilalim ng unprogrammed appropriations.
Sinabi naman ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na ang sektor ng edukasyon ang mayroon ngayong pinakamataas na alokasyon na may P1.055 trillion kasunod ng pagtapyas sa budget ng DPWH.
Ang pondo ay ikinalat sa Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education, Technical Education and Skills Development Authority, Local Government Academy, Philippine National Police Academy, Philippine Public Safety College, National Defense College of the Philippines, Philippine Military Academy, Philippine Science High School System, Science Education Institute, at state universities and colleges.
Tinatayang P1.007 trillion ang naiwan na pondo ng DPWH.
Sa kabilang dako, sinabi ni Finance Secretary Ralph Recto na ito ang kauna-unahang pagkakataon na ang edukasyon at ang infrastructure budget kapwa nakakuha ng trillion-peso mark.
Sa kabilang dako, ang iba pang ahensiya na may pinakamalaking budget allocation para sa 2025 ay ang Department of National Defense (DND) na may P315.1 billion; Department of the Interior and Local Government (DILG) na may P279.1 billion; Department of Health (DoH) na may P267.8 billion; at Department of Agriculture (DA) na may P237.4 billion.
Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay may alokasyon na P217.5 billion; Department of Transportation, (DOTr) ay mayroong P123.7 billion; Judiciary, P64.0 billion; at Department of Justice (DoJ) na may P42.2 billion.
Naghahanap naman ang administrasyon ng remedyo sa budget cuts sa DepEd, bunsod na rin ng pangko ng Pangulo na ibabalik ang tinapyas na appropriation.
Bagaman hindi madagdagan ang pondo ng mga ahensiya sa oras na isumite na ng bicameral conference committee ang budget bill sa Pangulo, winika ni Pangandaman na maaari pa ring gamitin ng gobyerno ang unprogrammed appropriations at labis na kita para sa mga education program.
Sumang-ayon naman si Recto, sabay sabing prayoridad ng Pangulo ang edukasyon.