Advertisers
IPINAAARESTO na ng korte si Jude Bacalso, ang sikat na personalidad ng Cebu na sangkot sa ‘misgendering’ controversy noong Hulyo 2024.
Naging headline si Bacalso matapos na ang isang 24-anyos na waiter ay kanyang pinatayo ng halos dalawang oras nang magkamali ito sa pagtawag sa una na “sir” sa isang restaurant sa Cebu City.
Ang insidente, na naganap Hulyo 21, ay humantong sa pang-iinsulto umano ni Bacalso sa waiter, na kinilalang si Mark (hindi niya tunay na pa-ngalan), at pagbabanta sa kanya na tatanggalin sa trabaho.
Si Mark, natakot na mawalan ng kanyang unang trabaho, ay sumunod ngunit kalaunan dumanas umano ng psychological distress, kabilang ang pagkabalisa at insomnia, kasunod ng viral na insidente.
Humingi ng legal na tulong si Mark at nagsampa ng kaso laban kay Bacalso, kabilang ang ‘unjust vexation’ at ‘grave threats’, sa Cebu City Prosecutor’s Office noong Agosto 28.
Kasunod ng imbestigasyon, naglabas ng warrant of arrest ang Municipal Trial Court in Cities (MTCC) Branch 6 nitong Enero 7 ng bagong taon, na may piyansang P18,000. Ang arraignment at pre-trial ay naka-iskedyul ng Enero 23, 2025.
Si Bacalso ay hindi tumugon sa mga kahilingan para sa komento.