HINDI nakakasiguro si Bong Go at Bato dela Rosa sa kanilang kapalaran sa halalan sa Mayo. Kahit sa mga survey, pababa ang kalagayan ng dalawang pinakamasugid na alalay ni Gongdi. Sa Social Weather Station, nasa panglabing-isa at panglabing-tatlo si Bong Go. Sa Pulse Asia, nasa pansampu at panglabing-isa siya. Wala si Bato sa Magic 12 ng dalawang polling firm.
Matindi ang gitgitan ng mga kandidato ng iba’t-ibang lapian at grupo sa Senado. Sa sandaling mag-umpisa ang kampanya, mahuhulog ang ilang nangunguna at hahabol ang ilang nahuhuli. Mangyayari ang karambola ng iba’t ibang kandidato. Maraming sorpresa ang darating.
Ngayon pa lang, nakikita namin na lubhang mahihirapan kahit ang mga masalaping kandidato ng ilang establisadong dinastiya pulitikal. Mahihirapan ang mga tulad ni Abby Binay, Camille Villar, Bong Revilla, at kahit si Pia Cayetano na manalo laban sa mga kandidato na hindi kabilang ng mga malalaking pamilya sa pulitika.
Matindi ang galit ng sambayanan sa mga dinastiya pulitikal na kasalukuyang namamayagpag. Katakawan sa kapangyarihan ang dahilan kung bakit halos lahat sa kanila ay tumatakbo sa Kongreso o LGU. Ang hindi katanggap-tanggap ay marami sa kanila ang walang alam at hindi kuwalipikado sa posisyon na kanilang inaasam.
***
AYON kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, overall chairman ng makapangyarihang Quad Comm, nilabag umano nina Gongdi, Bato, at Bong Go ang RA 9851 o ang Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide and Other Crimes Against Humanity, isa sa mga batas tungkol sa paglabag sa karapatang pantao ng mga mamamayan. Marapat kasuhan ang mga dating hepe ng PNP tulad ni Oscar Albayalde at Debold Sinas at kahit sina Col. Royina Garma at Edilberto Leonardo, at dating alalay na si Irmina “Muking” Espino.
Kasalukuyang sinisiyasat ng Quad Comm ang mga operasyon ng patayan kaugnay sa war on drugs ni Gongdi at kahit ang mga krimen sa operasyon ng POGO. “The investigation brought to light a harrowing narrative of abuse of power and institutional impunity during the Duterte administration. Witness testimonies corroborated by evidence revealed a system that incentivized the killing of suspected drug personalities: a system modeled after the so-called Davao template and replicated nationwide,” sabi ni Barbers.
***
BALIK tayo sa tsansa ni Bong Go at Bato sa Mayo. Kahit ang mga kasama ng dalawa sa tiket ng grupong Davao ay malabong manalo. Walang naririnig o nababasa tungkol kay Rodante Marcoleta, Apollo Quiboloy, Philip Salvador at Victor Rodriguez. Iyong iba, hindi namin alam kahit ang pangalan. Paano mananalo ang hindi kilala?
Hindi namin alam kung mananalo ang ilang kilalang balimbing o sampay-bakod sa pulitika tulad ni Francis Tolentino Hindi namin nalimutan na minsan ay kumampi si Francis kay Gongdi at Tsina pero kinabukasan, sumama siya kay BBM at biglang naging kampi sa Estados Unidos. Iba na ang tono ng pananalita ni Francis. Hindi mababakas na minsan ay utusan siya ni Gongdi. O sadyang walang integridad si Francis.
Hindi kami kumporme sa mga artistang laos na nagsusulong ng kandidatura. Kinukuwestiyon namin ang kanilang kakayahan na mag-ambag ng anuman sa kaunlaran ng bansa. Ano ang itutulong ni Lito Lapid, Philip Salvador, at Willie Revillame? Kahit si Willie hindi alam kung ano ang gagawin niya kapag nanalo siya. Ang alam niya ay tumatakbo siya sa Senado.
***
HINDI nakita kahit ni Leni Robredo o sinuman sa oposisyon na nagsalita hinggil sa pandaraya o manipulasyon sa bilangan ng boto noong nakaraang halalan. Maingat ang salita ni Leni sa isang pahayag pitong buwan pagkalipas ng halalan. “Hindi kami nakakita ng katibayan na may dayaan noong nakaraang halalan,” ani Leni sa isang pahayag sa New York City na sinasabing nalathala sa mga pahayagan doon. Walang nakitang diretsong ebidensya na may dayaan, aniya.
Sinusugan ni Emil Maranon, isang abogado na nagtrabaho sa kampo ni Leni noong halalan, ang pahayag ni Leni. Sinabi niya na kahit sinabi ni Leni na walang hawak na ebidensya ng dayaan sa nakalipas sa halalan, hindi ito nangangahulugan na walang dayaan.
Magaling na community worker si Leni Robredo. Hinahangaan dito at sa buong mundo. Nakita ang kanang mga nagawa bilang isang community worker sa kanyang NGO, ang Angat Buhay. Marami itong proyekto na pinakikinabangan ng maraming mamamayan. Kahit wala na sa poder si Leni, Nandiyan pa siya at tumutulong. Katangi-tangi siya sa mga nagawa.
Ngunit hindi political strategist si Leni. Maikli ang kanyang unawa sa pangangailangan ng estratehiya sa pulitika. Hindi niya ganap na naiintindihan ang pangangailangan ng estratehiya sa pulitika lalo na sa halalan kung saan mapipigil ang dayaan.
Minsan sinabi ng namayapang Ernesto Maceda na ang magaling na pulitiko ay ang marunong at magaling mandaya at iyong bihasang pumigil sa dayaan sa mga halalan. Sila ang mga nagdodomina sa pulitika. Sila ang ying at yang ng pulitika sa Filipinas.
Walang political strategist ang Liberal Party na nakasilip sa dayaan. Hindi natulungan si Leni at Kiko upang magkaroon ng alas na baraha na isasalya sa natapos na bilangan. Nakalulungkot ang nangyari dahil sa pagtatapos ng bilangan, umalis si Leni kasama ang mga anak at nag-selfie lang sa ibang bansa. Mistulang naulila ang mga tagasunod dahil walang tumayong lider ang oposisyon upang magsalita o magprotesta kahit katiting sa resulta ng halalan.
***
Email:[email protected]