Advertisers
APAT katao, kabilang ang isang barangay health worker at isang guro, ang napatay sa mga magkakahiwalay na pananambang na naganap sa loob lang ng isang oras sa magkatabing mga bayan ng Lebak at Kalamansig sa Sultan Kudarat, hapon ng Huwebes.
Sa mga hiwalay na ulat ng Sultan Kudarat Provincial Police Office at ng Police Regional Office-12 nitong Biyernes, unang napatay sa Barangay Santa Clara sa Kalamansig ng mga armadong kalalakihan ang magkaangkas sa motorsiklong sina Nestor Rondon ay kanyang kabiyak na Marilou.
Patungo sa kung saan si Nestor at ang kanyang maybahay na isang barangay health worker sa Sta. Clara nang pagbabarilin ng armadong grupo na nakaabang sa kanila.
Makalipas ang ilang minuto, napatay ang isang guro, si Henry Racho, at ang kanyang pamangkin na si Erick James Racho Moyet, sa katulad din na insidente sa Sitio Maregaeg, Barangay Salman sa Lebak.
Magkaangkas sa motorskilo si Racho, isang sports at physical education teacher sa pribadong Notre Dame of Salaman College, isang Catholic school sa Lebak; at ang kanyang estudyanteng pamangkin nang dikitan at paputukan ng riding in tandem.