Advertisers

Advertisers

‘LIFE-CHANGING’ PROJECTS NG MARCOS ADMIN

0 14

Advertisers

MASASABING isa na namang mahalagang usapin ang hinarap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay ng mga pondo para sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Aba’y sa harap ng makabuluhang pagtapyas ng Kongreso sa mga pondong inilaan para sa programs, activities, and projects (PAPs) ng DPWH sa ilalim ng 2025 National Budget, malinaw na kinakailangan ng masusing pagtutok upang masiguro na ang mga proyektong krusyal sa bayan ay maisakatuparan.

Sa isang pulong sa Palasyo ng Malacañang, inilatag ni PBBM ang sitwasyong kinalalagyan ng DPWH makaraan ang ginawang budget review.



Mula raw pala sa inisyal na hirit na Php70 bilyon, tanging Php23 bilyon lamang ang naaprubahan ng mga mambabatas.

Ayon sa Pangulo, ang dapat bigyan ng prayoridad ay ang mga proyektong tunay na magdudulot ng pagbabago sa buhay ng mga mamamayan.

Bagama’t bahagyang tumaas ang kabuuang budget ng DPWH ng 20.98% mula Php900 bilyon sa National Expenditure Program (NEP) patungong Php1,088.80 bilyon sa 2025 General Appropriations Act (GAA), nananatili pa rin ang hamon kung paano sapat na mapopondohan ang mga pangunahing proyekto tulad ng maintenance, feasibility studies, at right of way (ROW) issues.

Malaki ang magiging epekto ng mga pagbabawas sa mga sumusunod na bahagi ng DPWH PAPs: pagbabayad ng ROW, contractual obligations, Value Added Tax (VAT), at iba pang buwis; mga feasibility study; public-private partnership strategic support fund; at ang KAlsada TUngo sa PAliparan, Riles, at DaungAN (KATUPARAN) Program.

Apektado rin maging ang mga mahahalagang proyekto tulad ng Bridge Program, Network Development Program, Tourism Road Infrastructure Program (TRIP), at Roads Leveraging Linkages of Industry and Trade (ROLL-IT) Program.



Isang positibong hakbang naman ang pangako ng Pangulo na tututukan ang maintenance ng mga proyekto ng DPWH.

Kinakailangan naman daw tiyakin na ang mga umiiral na proyekto ay nasa maayos na kalagayan at patuloy na magagamit ng publiko.

Mahalaga rin ang pagtutok sa mga feasibility studies upang masiguro na ang bawat proyekto ay kapaki-pakinabang at wasto sa konteksto ng pangangailangan ng ating mga komunidad.

Tunay na sa ganitong hamon, dapat magtulungan ang administrasyon at ang Kongreso upang mahanapan ng balanse ang pangangailangan ng DPWH at ang limitasyon ng pondo ng bansa.

Dapat tumugon ang bawat pisong ilalaan sa imprastruktura sa layunin ng pagpapabuti ng kalidad ng buhay ng bawat Pilipino.

At paano daw maiaangkop ng pamahalaan ang mga limitasyon sa alokasyon upang matugunan ang pangangailangan ng sambayanan?

Ang sagot? Aba’y nasa epektibong pamamahala, matalinong paggamit ng pondo, at matibay na paninindigan para sa kapakanan ng nakararami na siya na rin namang sinisikap na gawin ng administrasyong Marcos.
***
Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.