K9 dogs na eksperto sa cash, inilagay sa NAIA
Advertisers
DAHIL sa dumadaming bilang ng kaso ng mga pasahero na nagtatangkang magpuslit ng mga foreign currency palabas ng bansa ay naglagay ang Bureau of Customs-NAIA ng mga K-9 dogs na sinanay sa pag-amoy ng cash money.
Agad na gumawa ng aksyon si Bureau of Customs District Collector Atty. Yasmin Mapa matapos makipag-ugnayan sa Philippine Coast Guard (PCG) na humihiling na magkaroon ng isang kasunduan at partnership sa BOC-NAIA at PCG upang palakasin ang kampanya laban sa modus operandi na ito ng mga syndicated money launderer.
Ayon kay NAIA- Customs Passengers operation chief Dr. Mark Jhon Almase, napuna nila na marami na ang nahuhuling nagii-smuggle ng malaking halaga ng foreign currency at gusto nilang ilabas ito ng bansa nang ‘di nila ito dinideklara sa posibilidad na gusto nilang takasan ang pagbabayad ng buwis o di kaya ay gagamitin nila ang pinagmulan ng pera sa mga iligal na gawain.
Kamakailan lamang, isang pasaherong babaeng Chinese ang nahuli ng security sa final checkpoint na may dala-dalang mahigit sa US$10,000 dollars na hindi niya idineklara at ito ay bawal.
Napag-alamang ang mga K-9 dogs ay sinanay ng Philippine Coast Guard at ilalagay sa NAIA arrival at departure areas, upang amuyin lahat ng sulok ng terminal at tiyakin na walang smuggler ng foreign currency ang makakalusot doon. (JERRY S. TAN/JOJO SADIWA)