Advertisers
Ipinahayag ni Mayor Along Malapitan na nagkakaloob ang lahat ng mga health center sa lungsod ng Caloocan ng libreng bakuna kontra tigdas.
Hinikayat ni Malapitan ang mga magulang, na pabakunahan na ang kanilang mga anak upang magkaroon ang mga ito ng sapat na proteksyon laban sa tigdas.
“Walang gamot sa sakit na tigdas at maaari itong magdulot ng mga komplikasyon gaya ng pneumonia, impeksyon sa tainga, encephalitis, conjunctivitis, diarrhea, malnutrisyon, o pagkamatay,” wika ni Mayor Along.
Ibinibigay ang unang dose ng bakuna sa siyam na buwang gulang, samantala ibinibigay naman ang ikalawang dose sa isang taong gulang.
“Mayroon din po tayong booster na ibinibigay naman sa anim hanggang pitong taong gulang at 12 hanggang 13 taong gulang na bata,” dagdag ni Malapitan.
“Ligtas po ang ating mga bakuna at higit sa lahat, libre po ito kaya magpunta na sa pinakamalapit na health center sa inyong lugar”, pahayag pa ni Mayor Along.