Advertisers

Advertisers

Pagkuwestiyon sa 2005 national budget, hindi dapat ikabahala – SP Chiz

0 10

Advertisers

“HINDI ito dapat katakutan, hindi ito dapat ikabahala.”

Ito ang reaksyon ni Senate President Chiz Escudero kaugnay sa pagkuwestiyon sa umano’y blank items sa bicameral conference committee report ng 2025 national budget.

Ang petisyon ay inihain ni Davao Representative Isidro Ungab at dating Executive Secretary Vic Rodriguez sa Korte Suprema.



“We welcome any petitions to question any law that Congress passes. Para sa akin oportunidad yan para makilahok din sa proseso ng budget ang Korte Suprema — ang third branch, ika nga, ng pamahalaan. Nakita natin ang papel na ginampanan ng Executive Branch, ng Legislative Branch, at ngayon makikita naman natin ang papel na gagampanan ng Judicial Branch,” ayon kay Escudero.

“Para sa akin, hindi ito dapat katakutan. Hindi ito dapat ikabahala. Ito ay bahagi ng ating demokrasya at patunay ito na malakas at matatag ang demokrasya sa ating bansa patungkol sa anumang batas, kabilang na ang national budget,” wika pan niya.

Una rito, kinumpirma ni Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo na may mga blangkong item sa bicameral conference committee report ng 2025 national budget ngunit nilinaw niya na para lamang ito sa pinal na pag-compute ng mga pag-amiyendang ginawa.

Sinabi ni Escudero kung mayroon talagang mga blangko, ang huling probisyon ng report ang makatutulong.

“At kung merong conflict [o] pagkakaiba, ang bicameral conference committee report at ang enrolled bill ng budget, ang mananaig [pa rin] ay ang enrolled bill ng budget o ang GAA kung saan wala pong blangko at kulang doon,” paliwanag ni Escudero.



Binigyang-diin ng Pangulo ng Senado na hindi ito ang unang pagkakataon na ginamit ang naturang salita dahil kasama na ito sa bicameral conference committee reports na nilagdaan ng nakaraang Kongreso.

“Hindi mo masasabing walang ganyan noon. Marahil ang pagkakaiba, dahil sa tindi ng bangayan at away at hidwaan sa pagitan ng mga kulay ng pulitika sa ngayon kaya bawat isang bagay ay pinapadaan nila, ika nga, sa microscope,” pahayag ni Escudero.

“Pero hindi nangangahulugan na hindi rin yan nangyari noon. Uulitin ko, hindi ko ito kinatatakutan, ito ay dapat yakapin natin bilang pagkakataon na makita ang tatlong ahensya ng pamahalaan na nagfa-function kaugnay sa napakahalagang panukalang batas,” hirit pa ng Senate chief. (Mylene Alfonso)