Advertisers
NALUNGKOT ang mga liderato ng Philippine Army nang nalagasan sila ng isang kasamahan at dalawa pa ang sugatan na ginagamot sa Camp Edilberto Evangelista Station Hospital ng Cagayan de Oro City.
Kaugnay ito ng magkasunod na engkuwentro sa pagitan ng tropa ng 103rd Infantry Brigade ng Philippine Army at ng mga kasapi ng Dawlah Islamiyah- Maute Group na pinamunuan ng isang alyas “Usman” sa Barangay Kalanganan, Piagapo, Lanao del Sur.
Inihayag ni Philippine Army spokesperson Col. Louie Dema-ala na bagamat na-neutralize ng 44 IB ng 8th Scout Ranger Company ang isa sa mga terorista, nalagasan rin sila ng isang magiting na sundalo at sumugat ng dalawa pa.
Naniniwala ang militar na marami sa mga terorista ang sugatan habang patakas sa area dahil sa ilang baril ang naiwan sa encounter site.
Sinabi ni Dema-ala na nasa piling ng kanyang pamilya ang isang army corporal na nagbuhay-buhay para matugunan lang ang kilabot na grupo na naghahasik ng kaguluhan sa probinsya.
Nakuha mula sa mga tumakas na mga rebelde ang tig-isang M-14 AT M-16 rifles; klase-klaseng magazines, iba’t ibang mga bala at improvised explosive device.
Napag-alaman na ang DM-MG ay ang tira-tira ng teroristang Maute-ISIS na dating nagtangkang okupahin ang Marawi City subalit pinulbos ang mga ito noong sumiklab ang limang buwan na engkuwentro.