Advertisers
ARESTADO ang tatlong drug suspects, kabilang ang isang ginang matapos makuhanan mahigit P400k halaga ng shabu nang masakote ng pulisya sa magkahiwalay na buy bust operation sa Malabon City.
Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, sinabi ni DDEU chief PLt. Col. Timothy Aniway Jr., ikinasa nila ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA matapos magawa ng isa sa kanyang mga tauhan na makipagtransaksyon kina alyas “Gina”, 34, at alyas “Alex”, 55, kapwa residente ng Navotas City.
Sa ulat, alas-11:56 ng gabi nang arestuhin ng mga tauhan ni Lt Col. Aniway sa pangunguna ni P/Capt. Regie Pobadora ang mga suspek matapos bentahan ng P6,500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa Highway Star, Brgy. Muzon.
Nakuha sa mga suspek ang nasa 50 grams ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng P340,000.00, at buy bust money.
Nauna rito, alas-4:18 ng madaling araw nang masakote nina Capt. Pobadora sa buy bust operation din sa Victoneta Avenue, Brgy. Potrero si alyas “Speed”, 42, ng Caloocan City.
Nakumpiska sa kanya ang humigi’t kumulang 20 grams ng shabu, buy-bust money at cellphone.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.(Beth Samson)