Advertisers
ARESTADO ang dalawang empleyado ng visa consultancy firm sa Intramuros, Manila na nagpakilalang operatiba ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at nangikil ng milyon-milyong piso sa pamilya ng mga dayuhang POGO workers.
Ayon kay PAOCC Executive Director, Undersecretary Gilbert Gruz, nagpapakilala na mga taga-NBI, Bureau of Immigration (BI) at PAOCC ang mga suspek kungsaan sinasabi nilang kaya nilang palabasin ang asawa nilang nakakulong at sisingilin ng pera, pero ang katotohanan nito ay kinikikilan o ine-estafa lang nila ang pamilya ng POGO workers.
Nagsagawa ng entrapment operation ang mga awtoridad laban sa mga suspek matapos hingan ang mga biktima ng P250,000 para maalis umano sa listahan ang foreign national mula sa backlist ng BI.
Isa sa fiance ng isang foreign POGO workers ang hiningan ng P1.1 milyon para mai-release at hindi ma-deport ang kanyang fiance.
Aniya, maging ang magulang ng kanyang nobyo ay nakapagsanla na ng kanilang bahay sa China upang maibigay lamang ang hinihinging halaga ng mga suspek.
Nakapagbigay lamang, aniya, siya ng halagang P900,000 ngunit hanggang ngayon hindi parin nailalabas ang kanyang nobyo.
Hiningan naman ang isa pang biktima ng P1.1 milyon para sa kanyang asawa na naaresto sa isang raid sa Paranaque City.
Tiniyak umano ng mga suspek ang napipintong paglaya ng kanyang mister dahil nasa kustodiya ito ng PAOCC.
Pero inaresto ang kanyang asawa ng Bureau of Immigration.
Sinabi ni Cruz na matagal na silang may natatanggap na reports simula nakaraang taon.
Sinasabi rin na fixers na lumalakad ng mga dokumento ang mga suspek para sa mga dayuhan o mga Chinese lalo na sa mga nagtatrabaho sa mga operasyon ng POGO.
Lumalabas, base sa imbestigasyon ng POACC, na may kasabwat ang mga suspek sa ilang ahensya ng gobyerno kaya ito ngayon ang pinagtutuunan sa kanilang follow up operations.
Mahaharap sa reklamong robbery extortion, usurption of person in authority, estafa at grave coercion ang 2 suspek.(Jocelyn Domenden)