Advertisers

Advertisers

LUCAS AT ALEGRE VS VICES AT PAIHI OPERATORS SA CAVITE!

0 1,198

Advertisers

Ni CRIS A. IBON

NAGPAHAYAG ng matinding pagkabahala ang grupo ng anti-crime and vice crusaders na Mamamayan Kontra Krimen at Bisyo (MKKB) sa pananahimik nina DILG Secretary Jonvic Remulla at DOJ Sec. Boying Remulla pati na sina Region 4A PNP director Paul Kenneth Lucas at Cavite PNP provincial director Dwight Alegre sa paghahari-harian ng mga iligalistang sina Hero, alyas Ka Minong, Amang at Violago Group, at iba pang elementong kriminal sa Cavite na nakakasira sa magandang imahe hindi lamang ng probinsya kundi ng mga Remulla.

Ang tinatamasang kaunlaran ng Cavite ay bunga ng mahusay na pamamahala o liderato ng mga Remulla na sinimulan ng namayapang dating Gov. Juanito Remulla, na tumagal ng dekada ang pamumuno, na sinundan ng yapak ng kanyang anak na dating gobernador at ngayo’y Department of Interior and Local Government Sec. Jonvic Remulla.



Ngunit sa pag-alis ng Remulla Brothers bilang maasahang gobernador at congressman ng Cavite upang magsilbi sa ilalim ng Marcos admin, ang kanilang lalawigan ay naiwan sa ilalim ng bagong gobernador na tila nasalaula at napasakamay ng mga salot at lider ng sindikato ng ilegal na bisyo, paihi/buriki at iba pang kailegalan na nagngangalang Hero, Ka Minong, Amang at Cholo na pawang notoryus din sa paggawa ng iba’t ibang krimen kasama na ang illegal drugs.

Sina Hero, Ka Minong, Amang, Cholo ng sindikatong Violago at vice operators na sina Jun Toto, Nitang Kabayo, Santander ang itinuturo ngayong pasimuno sa operasyon ng lahat ng kailegalan sa 16 bayan at 8 siyudad ng mga Remulla tulad ng STL con lotteng, EZ2, pick 3, Peryahan ng Bayan (PnB), online gambling na sentro ng operasyon ay ang Dasmariñas City, Bacoor City, Cavite City at Gen Trias City.

Ang pinakamalaking paihi/buriki operation nina Amang at Cholo ng sindikatong Violago, na hari ng smuggling at fuel thief at drug trade sa Central Luzon, ay hindi napatigil ni Col. Alegre sa kabila ng utos nina PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil at BGen. Lucas na sawatain ang operasyon nito sa Brgy. Bancal, Carmona City.

Ang milyones na payola o weekly intelhencia sa ilang korap na Cavite PNP officials at iba pang matataas na opisyales ng pa,bansang pulisya at National Bureau of Investigation (NBI) pati na ang iniuulat na malaking election funds na inihahatag sa ilang korap na lokal na opisyales ang dahilan kaya ‘di matinag ang talamak na pagnanakaw ng produktong petrolyo nina Amang at Violago Group.

Ibinulgar ng MKKB na sina Hero at Ka Minong, na kapwa sakla operators, at isang alyas Sgt. Hayag ang nagpapakilalang kolek-tong para kuno sa opisina ng magkapatid na Remulla; Col. Alegre; Cavite Police Chief LtCol. Christopher Guste at ilang NBI officials; mga alkalde at police chief kungsaan laganap ang operasyon ng sakla, pergalan at ibang uri ng mga ilegal na pasugal.



Pati ang iba’t ibang operating unit ng Cavite PNP tulad ng PMFC, SWAT, PIAS at NBI CAVIDO ay kasama din sa mga “ibinutas” nina Hero, Ka Minong at Sgt. Hayag pati na ang ilang lihitimong mga miyembro ng media at mga hao siao o pekeng mga reporter.

Kabilang sa mga bayan at siyudad na talamak ang operasyon ng sakla ay sa mga barangay at lisensyadong sabungan sa mga munisipalidad ng Amadeo, Maragondon, Noveleta, Naic, Bailen, Ternate, Magallanes at mga lungsod ng Dasmariñas, Bacoor, Cavite, Gen Trias at iba pa.

Ang mga sakla operator na kasosyo nina Hero at Ka Minong ay sina Eric, Elwyn na pekeng NBI agent sa mga bayan ng Maragondon, Magallanes, Bailen, Ternate at Amadeo; shabu Queen na si Maricon sa Naic; Nani sa Bacoor City at Cavite City at Ewang sa Dasmariñas City at iba pa.

Ngunit ang mga nakokolektang tong mula sa mga bookies, paihi/buriki, sakla, pergalan tulad ng ino-operate ng isang Charlie at Nina sa Brgy. Patungan sa Maragondon; Michael sa Brgy. Sabang Naic, at Tetet sa Brgy. Paliparan sa Dasmariñas City at mga saklaan at tupadahan; mga puesto pijo na sakla sa basketball court ng Magallanes, at saklaan at pergalan sa Brgy. Patungan sa Maragondon ay naibubulsa lang ng tatlong naturang kolektor .

Patuloy na dumadagsa ang mga reklamo sa tanggapan nina BGen. Lucas, Col. Alegre; Cavite Gov. Tolentino, mga local at barangay official laban sa ilegal vices, paihi/buriki operations at iba pang kailegalan sa Cavite, ngunit tila wala namang pakialam at taingang-kawali lamang sina Col. Alegre at ang kanyang mga police chief kaya’t ang napagbubuntunan ng paninisi ay ang magkapatid na Remulla, Gov. Tolentino at mga alkalde ng ibat ibang bayan sa Cavite kungsaan tuloy-tuloy at ‘di mapigil ang operasyon ng mga ilegal, ayon pa sa MKKB.