Advertisers
HINDI makakaapekto sa kanyang impeachment trial ang pagsasampa ng mga reklamong inciting to sedition at grave threat ng National Bureau of Investigation (NBI) laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa press briefing, inihayag ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na maaaring magkasabay ang impeachment trial at ang pagdinig sa reklamo ng NBI.
“No, walang epekto ‘yun sa napipintong impeachment proceedings. Walang bearing ‘yun at walang kinalaman ‘yun doon. Sa katunayan, pwedeng magpatuloy ‘yan nang sabay, pwedeng mauna, pwedeng sumunod. Wala siyang bearing sa impeachment proceedings na isasagawa ng Senado,” paliwanag ng Pangulo ng Senado.
Sinabi ni Escudero na hindi ipatatawag ng Senado, bilang impeachment court, ang mga ebidensyang nakalap ng NBI laban sa Bise Presidente. Gayunpaman, ang mga panel ng prosekusyon at depensa ay maaaring humingi ng pahintulot mula sa korte kung nais nilang maiharap ang katulad na ebidensya sa impeachment trial.
“They can present the same witnesses, they can present the same pieces of object or documentary evidence. That is totally up to them. Karapatan naman ng kabilang panig kung saka-sakali kung may basis sila na tutulan ang presentasyon niyan,” ayon pa kay Escudero.
Nabatid na nagsampa ng nasabing kaso ang NBI laban kay Duterte dahil sa kanyang sinabi na kukuha siya ng taong papatay kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, kung siya ay mamamatay. (Mylene Alfonso)