Nat’l gov’t hiniling na makialam para sa kaayusan ng operasyon at kaligtasan sa munisipyo ng Kauswagan
Advertisers
APEKTADO na ang kaayusan ng operasyon at kaligtasan ng mga empleyado at mga kliyente ng munisipyo ng Kauswagan sa Lanao del Norte sa pagkasira ng CCTV cameras at pagputol sa kable ng internet at nagmistula na rin umano itong ‘apartelle’ ng ilang armadong sibilyan at pulis.
Sa liham na ipinadala ni Christian Merch B. Tomo, Admin Officer IV ng Kauswagan local government, kay Civil Service Commission (CSC) Field Office Director II Alona Carumba, ay hiniling niya ang kagyat na pagpayag para sa “work-from-home arrangements” ng mga kawani o relokasyon ng operasyon ng mga tanggapan sa mas ligtas na lugar.
Pangunahing apektado ng pangyayari ang Enhanced Tax Revenue and Collection System (ETRACS), isang web-based system na ginagamit ng mga lokal na pamahalaan upang mangolekta ng buwis gaya ng real property tax, business permits gayundin para sa administration at taxpayer registration.
Ang kahilingan ni Tomo kay Carumba ay bunsod ng pinakahuling insidenteng nangyari noong Pebrero 14, 2025 nang sinadyang putulin umano ng mga tauhan ni Acting Municipal Mayor Aga Dimakuta ang koneksyon ng CCTV cameras at internet wires patungo sa mga opisina ng Treasury, Accounting, at Assessor sa munisipyo.
“I am writing to formally inform your esteemed office of an unfortunate incident that occurred today, February 14, 2025. It has come to our attention that, once again, the CCTV cameras and internet wires have been deliberately disconnected by personnel of the Acting Municipal Mayor in the Treasury, Accounting, and Assessor’s Offices of the Local Government Unit (LGU) of Kauswagan, LDN,” sabi ni Tomo.
Ang pagkagambalang ito ay lubhang nakaapekto aniya sa kanilang kakayahan na magampanan nang epektibo ang mga opisyal na tungkulin at responsibilidad.
Paliwanag niya, ang kawalan ng mga kritikal na serbisyong ito—gaya ng internet at mga surveillance system—ay hindi lamang nagdulot ng malalaking pagkaantala sa pagpapatakbo ngunit nagbunga rin ng malaking panganib sa seguridad at kaligtasan sa kanilang mga empleyado.
Dahil sa “urgency” aniya ng usaping ito, hinihiling niya ang ipagsasaalang-alang ni Carumba sa pagbibigay “work-from-home arrangements” para sa mga apektadong empleyado, gayundin ang posibilidad na ilipat ang mga operasyon ng opisina sa isang mas ligtas na kapaligiran hanggang sa malutas ang sitwasyon.