Advertisers
“Napakaraming salik na maaaring makaapekto sa iyong buhay mag-asawa tulad ng pananalapi, selos, kawalan ng komunikasyon, at iba pa. Para maiwasan ang away, huwag munang bigyan ng dahilan para magselos at insecure ang partner mo. Pangalawa, ang patuloy na komunikasyon ay kinakailangan. At last, humingi ng gabay sa ating Panginoon,”
Ito ang makabuluhang payo ni Pasay City Mayor Imelda ‘Emi” Calixto-Rubiano bilang ‘Ninang’ sa harap ng may kabuuang 43 mag-asawa ang nagpalitan ng “I dos” sa tradisyonal na “Kasalang Bayan” na ginanap sa Cuneta Astrodome sa Pasay City noong Peb. 26.
Libre ang kasalang bayan subalit kailangan lang ibigay ang kompletong papeles na nanggaling sa pares na nais magpakasal at malaking tipid ito dahil walang kailangang gastusin sa bulaklak, wedding coins o arras, notaryo,papeles at pagkain para sa bagong kasal.
Ayon kay Mayor Emi, sinisikap ng LGU na hindi lang ito maidaos ang kasalang bayan isang beses isang taon kung hindi makasabay ang iba pang okasyon gaya ng Pasko at Valentines Day.
Sa naturang seremonya, ang pinakamatandang mag-asawa ay sina “Lolo Dioscoro Rodillo,” 60, at ang kanyang nobya na si “Lola Pilar Duque,” 59.
Sinabi ni Rubiano na gustong magpakasal nina Lolo Dioscoro at Lola Pilar pagkatapos ng mahabang panahon na magkasama bilang mag-asawa.
Aniya, dalawang persons with disabilities na sina alyas “Omar,” 46 at alyas “Raymunda,” 48, kapwa taga-Barangay 113 Maricaban, Pasay City ay ikinasal din sa panahon ng “Kasalang Bayan.”
Sinabi ng alkalde na ang pamahalaang lungsod ay nagsasagawa ng mass wedding tuwing Pebrero o ang buwan ng pag-ibig upang matulungan ang mga pamilyang hindi kayang magdaos ng kanilang pag-iisang dibdib sa simbahan o civil wedding. (JOJO SADIWA)