Dinobleng allowance ng mga Seniors, makukuha na ngayon Marso
Advertisers
MAGANDANG balita sa lahat ng senior citizens na may 200, 000 ang bilang sa Maynila.
INANUNSYO ni Mayor Honey Lacuna na simula sa buwang ito ng Marso,makakatanggap na dinobleng buwanang financial assistance ang lahat ng senior citizens mula sa pamahalaang lungsod. Ibig Sabihin ay bawat isa ay tatanggap ng P3,000 bilang kanilang quarterly benefits.
“Simula ngayong Marso ay makukuha na po ng ating mga lolo at lola ang kanilang dobladong monthly allowance. Mula P500, ngayon ay P1,000 na po ito kada buwan,” saad ni Lacuna.
“Nagawa pong itaas ng inyong pamahalaang-lungsod ang pinansyal na tulong dahil sa tapat at totoo na pamamalakad. Posible naman po na makatulong sa mga Manileño nang walang inuutang na pera,” ayon pa sa alkalde.
“Bagamat di pa rin talaga sapat, malaking kaginhawaan na din ito sa ating mga lolo at lola para sa kanilang mga pangangailangan,” sabi ni Lacuna at idinagdag na Ang pagtaas ng allowance ay mas napaaga pa sana kung ‘di iniwanan ni dating Mayor Isko Moreno ng pagkalali-laking utang ang Maynila na nagkakahalaga ng P17.8 billion
Pinasalamatan ng lady mayor ang mga barangay officials sa kanilang pagtulong sa pamahalaang lungsod tuwing may payout ‘di lamang sa senior citizens kundi maging solo parents and persons with disability (PWDs) kasabay nito ay nagpahayag si Lacuna ng pasasalamat sa mamamayan Maynila sa kanilang patuloy na suporta sa lahat ng mga programa ng kanyang administration.
Nabatid na inatasan na ng alkalde si Office of Senior Citizens’ Affairs (OSCA) head Elinor Jacinto na gawin na ang preparasyon para sa quarterly payout ng nasabing senior allowance.
Ayon kay Jacinto noong nakaraang October nang nakaraang taon ay nilagdaan ni Lacuna ang Ordinance No. 9081 na nagdodoble sa monthly monetary allowance ng bonafide senior citizens ng Maynila mula P500 ay naging P1,000.
Ang ordinansa ayon pa kay Jacinto, ay ang sagot ni Lacuna sa palagiang requests ng senior citizens sa kabisera ng bansa at sinabing sa bawat serye ng kanyang administrasyon na
“Kalinga sa Maynila” program, ang mga senior citizens ay palagiang humihiling ng pagtaas ng kanilang monthly cash allowance.
“Walang mintis ang paghiling ng ating mga lolo at lola ng pagtaas ng allowance. Ayaw nila ng kada tatlong buwan kasi me butal. Ang gusto ng ating mga seniors ay buo so ginawa nating P2,000 kada apat na buwan. Ngayon, dinoble na natin,” ayon kay Lacuna.
Sumaksi sa paglagda ng nasabing ordinance sina Jacinto, Secretary to the Mayor Marlon Lacson at ang mga principal authors ordinansa sa pangunguna nina Councilors Philip Lacuna, Fa Fugoso, Uno Lim, Nino dela Cruz, Atty. Jong Isip, Maile Atienza, Macky Lacson, Lei Lacuna, Charry Ortega at Marjun Isidro.
Ang probisyon ng nasabing allowance para sa senior citizens ay bahagi ng local government’s social amelioration program na ipinasa ng Manila City Council nang si Lacuna pa ang Presiding Officer, isang position na kanyang hinawakan bilang h vice mayor. (ANDI GARCIA)