Advertisers
BUBUSISIIN ng Senado ang natuklasang ghost students sa senior high school voucher program ng Department of Education (DepEd).
Bagama’t may pagsisiyasat na ginagawa na ngayon ang DepEd, plano naman ng Senado na ungkatin ang mga paaralan na nakasuhan o natanggalan ng lisensya dahil sa pagkubra ng bayad para sa mga ghost students.
Binigyang-diin ni Senate Committee on Basic Education Chairman Sherwin Gatchalian, hindi pa si Sec. Sonny Angara ang kalihim ng ahensya o taong 2023 pa nila natuklasan sa Senado ang tungkol sa ghost students sa voucher program kaya dapat ay mayroon nang naging aksyon dito ang DepEd.
Layunin ng imbestigasyon na amyendahan ang batas ukol sa voucher program na Government Assistance to Students in Private Education (GATSPE).
Isusulong dito na higpitan ang patakaran sa accreditation ng mga private schools dahil may mga eskwelahan na walang pakialam sa edukasyon at hangad lang ang makakolekta ng bayad para sa senior high schools kahit hindi ito napapakinabangan ng mga totoong estudyante.