Advertisers
PINAWI ng Malakanyang ang pangamba ng publiko ukol sa posibleng magiging epekto ng heat index sa suplay ng tubig sa bansa.
Sa press briefing sa Palasyo, sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro na walang dapat alalahanin ang mamamayan pagdating sa suplay ng tubig.
Ayon kay Castro, wala pa namang deklarasyon ng El Niño at sakali aniyang magkaroon ng problema sa water supply ay handa ang pamahalaan na tugunan ito.
Maliban dito, tiniyak din ng opisyal na hindi tutulugan ng pamahalaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga ganitong usapin, partikular na nga ang posibleng pagkakaroon ng kakulangan sa suplay ng tubig.
Bagama’t sanay na sanay na aniya ang mga Pilipino sa sobrang init na nangyayari kada taon, sinabi ni Castro na sisikapin din ng gobyerno na matugunan agad ang posibleng krisis at nang hindi na humantong pa sa pila-pila ng mga balde o water rationing ang mga ganitong pangyayari. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)