Advertisers
Inatasan ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng regional units at national support units na magiging alerto simula Martes ng gabi, Marso 11, kasunod ng pagkakaaresto kay Pangulong Rodrigo Duterte.
“Nauukol ito sa kasalukuyang sitwasyon ng kapayapaan at kaayusan sa buong bansa kung saan maaaring magkaroon ng kaguluhang sibil, rali, at aksyong masa kasunod ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte,” sabi ng PNP memorandum na inisyu ng Directorate for Operations.
“Kaugnay nito, ang mga PRO (Police Regional Offices) at NSUs (National Support Units) ay inilalagay sa ilalim ng heightened alert status sa buong bansa simula ika-5 ng hapon ng Marso 11, 2025,” dagdag pa.
Inaresto si Duterte sa Ninoy Aquino International Airport nitong Martes ng umaga matapos lumabas mula sa Hong Kong.
Inaresto ang dating Pangulo sa bisa ng warrant mula sa International Criminal Court (ICC) para sa mga umano’y crimes against humanity na ginawa sa madugong drug on war ng kanyang administrasyon.
Dahil dito ay agad na nagtipon sa harap ng Villamor Air Base sa Pasay City ang mga tagasuporta ni Duterte.
“Lahat ng unipormadong tauhan, lalo na ang mga nagsasagawa ng police operations, pinaalalahanan na magsagawa ng proactive security measures at magsagawa ng matinding pag-iingat para sa posibleng kalupitan ng kaaway,” ayon sa PNP.
“Dagdag pa rito, kayo ay inaatasan na magtatag at paigtingin ang mga border control point at maghanda ng CDM contingent (Reactionary Standby Support Force and Quick Reaction Forces) na epektibo kaagad upang matiyak ang kapayapaan at kaayusan, at kaligtasan ng publiko sa inyong kaukulang mga lugar ng responsibilidad,” dagdag pa.(Mark Obleada)