Advertisers

Advertisers

DISQUALIFICATION VS GOMA SA PAGPAPAKALAT NG ‘FAKE NEWS!’

0 361

Advertisers

TACLOBAN CITY — Isang petisyon para sa diskwalipikasyon ni Leyte 4th District Representative Richard Gomez ang inihain sa Commission on Elections (Comelec) kamakailan, matapos siyang akusahan ng pagpapakalat ng mapanlinlang at nakakapinsalang impormasyon tungkol sa nalalapit na halalan.

Sa isang matibay na 25-pahinang petisyon, hiniling ni Palompon, Leyte mayoral bet Ramon Oñate na hadlangan ang kandidatura ni Gomez, matapos nitong gamitin ang kanyang opisyal na Facebook page upang ipalaganap ang aniya’y “malisyoso, mapanlinlang, at mapanirang” pahayag noong Marso 6.

Ayon sa reklamo, nag-post si Gomez ng mensaheng may kasamang caption na: “Palompon is poised to do grave and massive election cheating this coming May.”



Ikinabahala ito ni Oñate, iginiit na ang naturang post ay hindi lamang isang mapanlinlang na akusasyon kundi isang tahasang pagtatangkang linlangin ang publiko at lumikha ng takot at kalituhan sa mga botante.

“Ang tahasang kasinungalingan at pananakot na ipinalaganap ng respondent (Gomez) ay isang malinaw na pag-atake sa integridad ng halalan. Ang ganitong uri ng paninira ay naglalayong sirain ang kredibilidad ng eleksyon at ilihis ang atensyon ng mga botante,” ani Oñate sa kanyang petisyon sa wikang Ingles.

Binanggit din sa reklamo ang isang video mula sa programang “Krusada sa Radyo” ni John Kevin Pilapil na orihinal na ini-upload sa Facebook page ng DYRG 101.5 FM Blue Radio. Batay sa petisyon, ginamit umano ni Gomez ang kanyang opisyal na social media platform upang palakasin ang naturang mapanirang impormasyon. Kasama sa mga akusasyon ang pag-share o pagpapakalat ni Gomez ng isang komentaryo sa radyo kung saan tila binu-bully ang election officer.

Ang naturang post ay naglalaman ng mga seryosong akusasyon laban kay Election Officer Elvisa Tiu at sa mahigit 30 Electoral Board members. Ayon sa petisyon, inilalarawan sa post na ito na ang mga opisyal ay sangkot sa pandaraya sa halalan, partikular na sinasabing “sinusubukan nilang manipulahin ang eleksyon.”

Dagdag pa rito, paulit-ulit na tinanong sa programa kung magkano ang suhol na natanggap ni Election Officer Tiu, gamit ang mga linyang “Tell me, how much?”, “So again, how much, Madam Elvisa Tiu?”, at “Madam Elvisa Tiu, I have a question—tell me, how much?”.



Pinabulaanan din sa nasabing programa ang proseso ng pagtatalaga ng Electoral Board members, na sinasabing ito ay pabor lamang sa mga konektado sa mga pulitiko sa Palompon. Dagdag pa rito, pinaratangan si Tiu na may “lihim na kasunduan,” isang “under-the-table deal,” at “ibang nakatagong agenda.” Sinabi rin sa broadcast na dahil sa pagpili ng mga Electoral Board members, “ang resulta ng eleksyon ay naimpluwensyahan na,” at ang proseso ng eleksyon sa Palompon ay inihalintulad sa isang “cooking show,” isang slang term na nagpapahiwatig na ang isang kumpetisyon ay dinaya at may nakatakda nang manalo.

“Sa halip na itama ang maling impormasyon, pinili ni Gomez na palaganapin ito. Ibinahagi niya ito sa kanyang opisyal na Facebook page, na may mahigit 720,000 tagasunod, upang gawing mas malakas ang epekto nito at higit pang palawakin ang kasinungalingan,” ayon sa reklamo.

Bukod sa pag-post ng video, ibinunyag ni Oñate na naglabas din si Gomez ng listahan ng mga pangalan ng Electoral Board (EB) members sa Palompon, Leyte. Aniya, ang hakbang na ito ay isang “deliberate attack” upang ipahiya ang mga opisyal ng halalan, siraan ang kanilang reputasyon, at ilagay sila sa peligro ng harassment mula sa kanyang mga tagasuporta.

Ayon sa petisyon, lumabag umano si Gomez sa Section 261(z)(11) ng Omnibus Election Code (OEC), na nagbabawal sa sinumang indibidwal na magpalaganap ng mapanlinlang at pekeng balita upang hadlangan ang eleksyon. Sa ilalim ng batas na ito, maaari siyang maharap sa isang matinding kaso ng paglabag sa eleksyon.

Hiniling ni Oñate sa Comelec na ideklarang hindi wasto ang anumang boto na maibibigay kay Gomez at iproklama ang tamang nagwagi sakaling mapagtibay ang diskwalipikasyon bago ang araw ng halalan sa Mayo 12. Dagdag pa rito, kung sakaling manalo si Gomez bago maresolba ang kaso, iginiit ng petisyoner na dapat ipagpaliban ang kanyang proklamasyon hanggang sa magkaroon ng pinal na desisyon.

Samantala, usap-usapan sa Leyte na diumano direktang konektado ang radio sa kay Richard Gomez. Ang RG diumano sa DYRG ay nangangahulungang Richard Gomez.

Ang kaso ni Gomez ay kahalintulad sa kaso ni Edgar Erice, na tumatakbong kongresista sa Caloocan. Sa desisyon ng Comelec’s Second Division, pinanindigan nitong lumabag si Erice sa Omnibus Election Code, partikular sa Section 261(z)(11), na nagbabawal sa pagpapakalat ng mapanlinlang na impormasyon tuwing halalan.

Ayon sa Comelec, ang mga aksyon ni Erice ay malinaw na naglalayong lumikha ng kalituhan sa mga botante at sirain ang integridad ng sistemang elektoral.