Advertisers

Advertisers

Mag-reporma dapat ang PhilHealth

0 4,130

Advertisers

SA pinakahuling oral argument ng Supreme Court (SC) kaugnay ng paglilipat ng hindi nagamit na pondo ng PhilHealth sa Bureau of Treasury, binigyang-diin ni SC Associate Justice Antonio Kho, Jr. ang pangangailangan ng malawakang reporma sa ahensya, lalo na pagdating sa pamamahala.

Ang pahayag ng mahistrado ay nagpapatibay lang sa naging basehan ng Executive Branch nang sabihan nito ang PhilHealth na isauli sa national treasury ang hawak ng ahensiya na unused funds.

Ito’y pinahihintulutan din mismo ng Kongreso, base narin sa isang probisyon sa General Appropriations Act (GAA) of 2024, dahil na rin sa kabiguan ng PhilHealth na magamit nang buo ang pondo nito para higit na mapagserbisyuhan ang mga Pilipino.



Ang probisyon ay hindi lang sumasaklaw sa PhilHealth kundi maging sa iba pang government-owned and controlled corporations.

Sa argumento sa SC, lumilitaw na ang desisyon ng national government na ilipat ang sobrang pondo ng PhilHealth ay isang responsableng hakbang sa usapin ng masinop na pananalapi.

Base sa numero mula sa Department of Finance (DOF), umabot sa P89.9 bilyon ang hindi nagamit na subsidy ng PhilHealth mula 2021 hanggang 2023 at mayroon din itong P700b reserve fund na naipon sa loob ng mga taon. Noong Disyembre 19, 2024, P60 bilyon na ang na-remit pabalik sa national treasury.

Mismong si Justice Kho ang nagsabi na hindi nakasunod ang PhilHealth sa mga hinihingi ng Universal Health Care Law, partikular sa antas ng pamamahala.

Ang PhilHealth ay mas maraming pondong natatanggap kaysa sa nagagastos na nagresulta sa napakalaking akumulasyon ng hindi nagamit na pondo na isang patunay na kulang ito sa kapasidad upang hawakan ang bilyon-bilyong pisong inilaan dito.



Pinakaapektado rito ang mga ordinaryong Pilipino na umaasa sa libre o kundi man ay abot-kayang serbisyong pangkalusugan.

Pasalamat nalang tayo sa nasabing probisyon sa 2024 GAA na nag-uutos sa PhilHealth na isauli ang hindi na nagamit na subsidy dahil nalaman natin na may kapalpakan pala pagdating sa pamamahala ng hawak na sobra-sobrang pondo.

Kung hindi napunta sa SC ang isyu, hindi natin malalaman na hindi naman pala ginagamit ang pondo para sa health care. Tapos ngayon ay nagkukumahog ito na magbigay ng mga bago at karagdagang serbisyo at benepisyo, tulad ng pag-alis sa 45-day benefit limit. Bakit ngayon lang?

Ngayon, ang totoong 60 bilyong pisong tanong ay hindi kung dapat pa bang ibalik ang hindi nagamit na pondo ng PhilHealth, kundi kung karapat-dapat ba itong pagkatiwalaan ng napakalaking pondo nang hindi muna napatutunayang kaya nitong pamahalaan ito kasabay ng pagsasaalang-alang sa kapakananan ng mamamayan.

Matibay ang panawagan ni Kho para sa reporma. Para sa kanya, bago pag-usapan ang pagbabalik ng pondo, kailangang mauna muna ang reporma sa PhilHealth dahil kung hindi, magpapaulit-ulit lang ang problema at ang pag-aaksaya sa limitadong pera ng taong-bayan. Mismo!

***

Ang dating matapang at matigas magsalita na si reelectionist Senator “Bato” Dela Rosa na naghahamon sa International Criminal Court (ICC) na posasan siya ay nabahag na ang buntot ngayon. Hindi na raw siya pahuhuli sa ICC. Ibig sabihin ay magtatago na siya.

Nagtatago na nga si Bato, can’t be reach na siya. Hindi narin siya nakakapangampanya. Kawawang Bato. Sumobra kasi ang yabang noong termino nila ni Duterte.

Ito ang sinasabi natin na walang forever sa power. And no one is above the law.