Advertisers
Nasawi ang isang barangay chairman nang pagbabarilin ng hindi pa nakilalang motorcycle rider sa Brgy. Paitan, Santa Maria, Pangasinan nitong Martes ng umaga.
Kinilala ang nasawi na si Rolando Albino, 60-anyos, Brgy. Chairman ng Paitan.
Sa ulat, duguang napasubsob si Albino sa sinasakyang patrol tricycle bunga ng mga tinamong tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Sa report ng Pangasinan Police, kasalukuyang nagpapatrulya ang biktima gamit ang Brgy. Patrol tricycle nang biglang dikitan ng isang Honda Click 125 motorcyle na minamaneho ng isang lalaking nakasuot ng kulay itim na jacket.
Ayon sa mga bystanders, pansamantalang huminto ang biktima pero agad siyang pinagbabaril ng salarin na armado ng cal. 45 pistol. Sunud-sunod na putok ng baril ang umalingawngaw sa lugar na sumapol sa katawan ng biktima na bagama’t nagawa pang maisugod sa pagamutan ay idineklara na siyang dead-on-arrival.
Narekober sa crime scene ang mga basyo ng bala ng cal. 45 pistol.