Advertisers
Nananawagan ng hustisya ang pamilya ni Ace Fernandez y Ladiero, 22 anyos at walang trabaho, matapos siyang arestuhin sa bisa ng search warrant at makuhanan umano ng isang .45 kalibreng baril sa kanyang tahanan sa Purok 6, Barangay Alua noong Abril 2, 2025.
Ayon sa pamilya, tinaniman lamang ng ebidensya si Fernandez at pineke ang mga pangyayari upang idiin siya sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o ang batas ukol sa illegal possession of firearms. Kinuwestyon nila kung paano nagkaroon ng mamahaling armas ang isang taong walang hanapbuhay at hindi kailanman naiuugnay sa anumang krimen. Para sa kanila, kung may ibang atraso si Fernandez, iyon ang nararapat na kasuhan at hindi ang umano’y tanim-baril.
Batay sa ulat ng San Isidro Municipal Police Station, isinagawa ang operasyon dakong 7:50 ng umaga sa tulong ng 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC) ng Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO) at 303rd Mobile Company ng Regional Mobile Force Battalion 3 (RMFB3). Ang search warrant na ipinasa ni Executive Judge Quijano S. Laure ng RTC Gapan City ay ipinatupad sa bahay ng suspek, kung saan sinasabing narekober ang isang .45 caliber pistol na walang serial number at may apat na live ammunition.
Isa sa nakilalang pulis na kasali sa operasyon ay si PSSG Dennis Cobarrubias na tumayong arresting officer, na ayon sa pamilya ay aktibong sangkot sa sinasabi nilang “scenario” na isinagawa upang bigyang-katwiran ang diumano’y pagtatanim ng ebidensya.
Sa ulat ng pulisya, iginiit na ang paghahalughog ay isinagawa sa maayos at makataong paraan sa presensya ng barangay officials, media, at mismo ng suspek. Ngunit ayon sa pamilya, hindi ito sumasalamin sa aktwal na nangyari. Para sa kanila, planado ang lahat at may nagmanipula ng operasyon upang maisakdal si Fernandez sa gawa-gawang kaso.
Lubos ang pagdadalamhati ng pamilya na wala nang nagawa kundi ang umiyak sa sinapit ng kanilang mahal sa buhay. Sa gitna ng kawalang kakayahang ipagtanggol ang sarili, umaasa silang makakamit pa rin ni Fernandez ang hustisya.
Sa halip na magsampa ng reklamo, nananawagan ngayon ang pamilya sa Commission on Human Rights at sa iba pang kinauukulang ahensya ng pamahalaan na imbestigahan ang insidente at alamin kung may legal na batayan ang pagkakaaresto. Hinahangad nilang maibasura ang kaso at mapanagot ang mga responsable sakaling mapatunayang may pag-abuso sa kapangyarihan.