Advertisers
Trahedya ang sumambulat sa isang tahimik na hapon nang mabaril at mapatay ang dalawang 20-anyos na binatilyo sa loob ng isang coffee shop sa Barangay Paradise 3, lungsod ng San Jose Del Monte (SJDM), Bulacan, nitong Abril 21, bandang 1:00 ng hapon.
Kinilala ang mga biktima na sina Rey Allen Nevado De Jose, residente ng Brgy. Muzon East at isang college student, at Jeric Castillo ng Brgy. San Isidro.
Batay sa ulat ng SJDM Police Station, dumating ang isang lalaking nakasuot ng itim na jacket, maong shorts, at tsinelas sa lugar at walang babala na pinagbabaril ang dalawang biktima na noo’y nakaupo sa loob ng coffee shop.
Dead on the spot si Rey Allen habang naisugod pa sa ospital si Jeric para sa paunang lunas, subali’t binawian din ng buhay makalipas ang ilang oras.
Agad namang nagkasa ng imbestigasyon ang mga awtoridad.
Nagsagawa ng follow-up operation, dragnet operation, at pangangalap ng CCTV footage para matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin na kinilala sa alyas na “Randy.”
Ayon sa viral Facebook post, kuha sa CCTV ang pagtakas ng suspek sakay ng motorsiklo, kasama umano ang kanyang kinakasama at anak na binatilyo, ilang segundo lamang matapos ang pamamaril.
May mga netizen na nagkomento na away-kabataan umano ang pinagmulan ng insidente, at nadamay lamang ang mga biktima.
Patuloy ang ginagawang paghahanap ng SJDM police sa suspek habang pinaiigting ang imbestigasyon para sa agarang pagresolba ng kaso at pagkamit ng hustisya para sa mga biktima. (Thony D. Arcenal)