Advertisers

Advertisers

Olongapo Chief Prosecutor Charlie Yap pinuri sa “integridad”…‘PUBLIC NOTICE’ NG SC LABAN SA ‘FAKE ORDERS’ SINUPORTAHAN

0 18

Advertisers

SINUPORTAHAN ng isang ‘anti-crime’ at ‘anti-corruption advocate’ ang ‘public notice’ ng Korte Suprema na mag-ingat sa pagkalat ng mga pekeng court notices at kautusan mula umano sa SC at iba pang ahensiya ng Hudikatura upang makaiwas sa extortion.

Nitong Biyernes, personal na nagtungo si Monalie ‘Alie’ Dizon, secretary general, ‘Coalition Against Corruption’ at ‘Kilusang Pagbabago National Movement for Change’ sa tanggapan ni Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo sa Padre Faura, Maynila, upang ibigay ang kanyang ‘letter of support’ sa aksyon ng SC.

Ani Dizon, ang public notice ay pagpapakita ng pagpapahalaga ng SC sa integridad ng sistema ng hustisya sa bansa at kapakanan ng publiko sa ilalim ng liderato ni Gesmundo.



Tinukoy din ni Dizon ang sumabog na eskandalo sa City Prosecutor’s Office ng Olongapo, kung saan dalawang opisyal nito ang inireklamo ng pang-aabuso sa kanilang tungkulin sa tanggapan ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at Prosecutor General Richard Anthony Fadullon noong Marso 21.

Ang reklamo ay may kinalaman sa kasong ‘rape of a minor’ na isinampa laban sa isang Taiwanese locator sa Subic Free Port kung saan nagpakita umano ng ‘bias’ laban sa akusado sina Deputy Chief Prosecutor Ria Niña Sususco at Associate Prosecutor Lilia Elizabeth Hinanay-Escuso na nagresulta sa pangambang hindi mabibigyan ng parehas na pagtingin ang imbestigasyon sa reklamo.

Bukod kina Remulla at Fadullon, pinapurihan din ni Dizon si Olongapo Chief Prosecutor Charlie Yap dahil sa propesyunalismo nito at integridad matapos boluntaryong ipalipat ang imbestigasyon sa DOJ upang hindi mabahiran ang kredibilidad ng kanyang tanggapan.

Bunga naman ng reklamo, iniutos ni Fadullon ang paglilipat ng imbestigasyon sa kanyang tanggapan batay na rin sa rekomendasyon ni Yap. Inatasan din ni Fadullon si Yap na agaran nang imbestigahan ang mga inireklamong opisyal.

Panawagan naman ni Dizon, mas mainam kung pansamantalang suspindehin muna ng DOJ ang mga inireklamong opisyal habang nakasalang sila sa imbestigasyon.



Aniya pa, bagaman hindi na sakop ng SC ang piskalya, ang nangyari umano sa Olongapo ay nagpapakita ng lumalalang problema sa sistema ng hustisya sa bansa kung saan “tinatarget” ang mga piskalya na maging kasabwat ng ilang masasamang elemento upang isabotahe ang sistema ng hustisya.

“Kung nangyari ito sa Olongapo, hindi malayong mangyari o nangyayari rin ito sa iba pang panig ng bansa,” ani Dizon.