Advertisers

Advertisers

China, planong kontrolin ang Kongreso — Alyansa

0 27

Advertisers

DAGUPAN CITY — Nagbabala ang mga kandidatong senador ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas nitong Biyernes na may tangka ang Beijing na kontrolin ang Kongreso sa darating na midterm elections sa Mayo sa pamamagitan ng mga kandidato nitong maka-China, kasabay ng kanilang panawagan sa mga Pilipino na tutulan ang anumang dayuhang panghihimasok sa halalan at piliin ang mga lider na handang ipaglaban ang kasarinlan ng Pilipinas.

Sa isang press conference, sinabi ng nangungunang senatoriable na si ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo na totoo ang dayuhang panghihimasok at organisado pa na ang target ay makabuo ng Kongresong kakampi ng China at hindi ang interes ng Pilipinas ang isinusulong.



“Obviously, ang lumalabas, parang gusto ng China ay Chinese-controlled Senate, Chinese-controlled House of Representatives,” ani Tulfo.

“Kaya nasa kamay po ng tao, ng Pilipino, ng mga botante natin. If you want a Chinese-controlled Senate and House of Representatives, then alam niyo na ho what’s going to happen,” babala niya.

Ayon kay Tulfo, hindi lang basta fake news ang ginagawa ng China kundi may kasamang espiya, paniniktik, at psychological operations.

Habang abala aniya ang bansa sa tensyon sa West Philippine Sea, ang mas malalang banta ay nagaganap na sa loob mismo ng mga institusyon ng bansa.

“It’s part of their campaign to keep our attention on the [WPS], pero hindi natin napapansin na may ibang operasyon na pala silang ginagawa. Lucky enough, lumutang itong espionage na ito. So talagang halatang-halata that they really want to control this country,” ani Tulfo.



Siniguro naman ni dating Department of the Interior and Local Government Sec. Benhur Abalos na solid ang buong hanay ng Alyansa sa paninindigang maka-Pilipinas.

“Malinaw sa lahat na ang team ng Alyansa ay pro-Philippines. Importante ang sovereignty—ang soberenya ng Pilipinas,” saad ni Abalos.

“Kaya nga importante sa mga nakikinig ngayon, pakinggan niyo maigi ang plataporma ng Alyansa. Lahat po ito ay pro-Philippines,” dagdag niya.

Sa parehong press conference, ibinulgar ni Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino ang ilang dokumentong nag-uugnay umano sa Chinese Embassy sa lihim na mga galaw sa politika, kabilang na ang pagkuha ng troll farms gamit ang kumpanyang nakabase sa Makati na InfinitUs Marketing Solutions.

Batay sa mga impormasyon, may mga utos aniya mula sa Beijing na dumadaan sa embahada at pinapaalingawngaw gamit ang mga pekeng Pinoy profiles.

“Hindi lang sa atin, dito sa bansa natin, kundi nagmumula sa China ‘yung kumpas kung ano ‘yung gagawin,” ani Tolentino.

“Ito po ‘yung kontrata ng isang kumpanya, InfinitUs. Tinake-down na daw ‘yung Facebook kaninang umaga o kagabi. Hindi pa sila nagre-reply. Hindi pa rin nagre-reply ang China,” dagdag niya.

Nanawagan si Tolentino kay Foreign Affairs Sec. Enrique Manalo na ipatawag ang Chinese Ambassador dahil sa aniya’y garapalang pang-iinsulto sa soberanya ng bansa.

“Isang karumal-dumal at nakakahindik na pagyapak sa ating kalayaan,” bigay-diin niya.

Nagpakita rin si Tolentino ng tseke na umano’y galing mismo sa Chinese Embassy at ipinangbayad daw sa InfinitUs.

“Ano pa bang pruweba ang gusto natin?” aniya.

Samantala, nagbabala si dating Sen. Panfilo “Ping” Lacson na mas malalim pa raw ang ginagawang pakikialam ng China kaysa inaakala ng marami.

Ibinunyag niyang may Chinese nationals na nahuling nagmamanman sa paligid ng Malacañang, Camp Aguinaldo, at iba pang sensitibong pasilidad.

“Yes, it’s actually scarier than we think,” ani Lacson.

“Let’s look beyond this election. May nahuli ‘yung NBI (National Bureau of Investigation) with the Armed Forces of the Philippines na several Chinese and Filipinos na nag-iikot sa Malacañang, Camp Aguinaldo, U.S. Embassy, and other installations. Nahulihan ng mga equipment,” dagdag niya.

Ibinunyag din ni Lacson na ilang ahensiya ng gobyerno gaya ng Office of the President at National Intelligence Coordinating Agency (NICA) ang tinarget ng cyberattacks.

“So napaka-vulnerable. Imagine NSC (National Security Council), NICA, DICT (Department of Information and Communications Technology), DOST (Department of Science and Technology), naha-hack. And we don’t know, only God knows ano pa bang information na sensitive na top secret information na nandoon na sa kanila,” babala niya.

Hinimok niya ang gobyerno na palakasin ang cybersecurity at isama ang mga eksperto mula sa pribadong sektor.

“Kailangan ‘yung firewall natin medyo tingnan nating mabuti,” aniya.

Kabilang sa Alyansa ticket sina Makati Mayor Abby Binay, Sen. Bong Revilla, Sen. Pia Cayetano, Sen. Lito Lapid, dating Sen. Manny Pacquiao, dating Senate President Tito Sotto, at Deputy Speaker Camille Villar.