Advertisers

Advertisers

LGU ng SJDM, pinuri sa aksyon laban sa problema sa tubig

0 117

Advertisers

Nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat ang mga lider ng barangay sa Lungsod ng San Jose del Monte kina Mayor Arthur Robes, Congresswoman Florida “Rida” Robes, at sa buong pamahalaang lokal sa kanilang “walang humpay na pagsusumikap” na tugunan ang lumalalang krisis sa tubig, na nagbunga sa desisyon ng San Jose Water District Board na i-pre-terminate ang kasunduan nito sa PrimeWater Infrastructure Corporation.

“Lubos kaming nagpapasalamat kina Mayor Art, Cong Rida, at sa buong pamahalaang lungsod sa pakikinig sa hinaing ng aming mga kababayan. Hindi nila kami pinabayaan,” ayon kay Association of Barangay Chairmen ABC Zosimo Lorenzo. “Dahil sa kanilang pagkilos, unti-unti nang nababawi ng bawat San Joseño ang karapatan sa maayos at sapat na suplay ng tubig,” dagdag pa niya.

Sa pamamagitan ng liham na may petsang Abril 10, 2025, pormal na ipinaabot ng San Jose Water Board kay Mayor Robes ang pagpasa nila ng Resolution No. 15, Series of 2025, na nagbibigay-awtoridad para sa pagpapadala ng notice of intent upang tapusin ang Joint Venture Agreement nila sa PrimeWater. Inakyat na rin ang usapin sa Office of the Government Corporate Counsel para sa kaukulang legal na aksyon.



Ang desisyon na putulin ang ugnayan sa PrimeWater ay bunga ng mga taon ng aksyon mula sa mga Robes at ng pamahalaang lungsod, na nagsimula noong 2019 nang sumiklab ang mga reklamo ukol sa pabugso-bugsong suplay, mahinang pressure, at maging kontaminadong tubig.

Ayon naman kay Liga Secretary Kapt. Benjamin De Leon, kabilang sa mga hakbang na isinagawa ng LGU at mga opisyal ng San Jose del Monte ang mga sumusunod.

2019: Pagpapasa ng mga resolusyon ng Sangguniang Panlungsod na nananawagan sa MWSS na muling pag-aralan ang bawas sa alokasyon ng tubig at hilingin ang waiver ng minimum fees. Nagsimula rin ang malawakang pag-rasyon ng tubig sa mga pinakaapektadong barangay.

2020-2021: Paghingi ng buong transparency mula sa PrimeWater hinggil sa investment plans at water quality reports. Tinalakay rin sa mga session ang mga isyu ng hindi regular na billing at pagkawala ng suplay.

2022: Pinangunahan nina Mayor Arthur Robes at Congresswoman Rida Robes ang unang Water Summit ng lungsod at isinulong ni Cong. Rida ang House Bill No. 3788 upang lumikha ng isang pambansang Department of Water Resources.



2023-2024: Bumuo ang Sangguniang Panlungsod ng isang investigative committee para silipin ang kapalpakan ng PrimeWater. Nakipag-ugnayan din si Mayor Robes sa Maynilad Water Services bilang posibleng alternatibong provider.

2025: Pinalawak ang mga emergency measures tulad ng Tawid Uhaw Project, pag-turnover ng static water tanks, at pamamahagi ng intermediate bulk water supplies sa mga apektadong barangay.

Bagamat paulit-ulit ang mga pahayag ng PrimeWater tungkol sa mga isinasagawang pipeline upgrades at water deliveries, binunyag sa privilege speech ni Councilor Liezl Aguirre-Abat noong Hunyo 2024 ang halos “kumpletong pagkawala ng tubig” sa halos lahat ng barangay sa lungsod.

Hindi lamang sa lokal na antas kumilos si Congresswoman Rida Robes. Itinulak din niya sa Kongreso ang House Bill No. 1495 o ang Domestic Water Supply Act upang magtakda ng pamantayan para sa kalidad at presyo ng tubig sa buong bansa.

Samantala, muling iginiit ni Mayor Arthur Robes na bagama’t ang mga water district ay autonomous at hindi saklaw ng direkta ng LGU, ang General Welfare Clause sa Local Government Code ang nagsusugo sa mga lider ng lokal na pamahalaan na protektahan ang kalusugan at kapakanan ng kanilang mga nasasakupan.

Sa nakalipas na mga buwan, isinagawa rin ng LGU ang serye ng mga pag-uusap sa Maynilad Water Services at iba pang providers bilang paghahanda sa transisyon sa bagong concessionaire.

Para sa mga opisyal ng barangay at mga karaniwang residente, ang notice of pre-termination ay itinuturing na isang “tagumpay na matagal na pinaglaban.”

“Matagal naming isinatinig ang aming hinaing,” dagdag pa ng Liga ng mga Barangay official. “Ngayon, naramdaman namin na may gobyerno kaming maaasahan at may mga lider kaming tunay na kumikilos para sa amin.”

Habang umuusad ang proseso ng pre-termination, tiniyak ng pamahalaang lungsod na magpapatuloy ang mga emergency water support programs hanggang sa maisakatuparan ang isang permanenteng solusyon para sa bawat kabahayan sa San Jose del Monte.