Advertisers
DALAWANG barangay captain mula Makato, Aklan ang naghain ng petition for disqualification sa Commission on Elections (Comelec) laban kay Aklan 2nd District Rep. Teodorico “Nonong” Haresco, Jr., dahil sa umano’y vote buying.
Sa kanilang petisyon, sinabi nina Henry Olid at Shirly Lagradante, mga kapitan ng Barangay Tibiawan at Poblacion, na personal nilang nasaksihan ang staff ni Haresco na si Shiela Puod, at ang asawa nitong si Barangay Kagawad Ronilo Puod, habang namimigay ng pera kapalit ng suporta sa kandidatura ni Haresco sa mismong bahay ng mga ito sa Barangay Tibiawan.
Dawit din sa reklamo sina Shiela at Ronilo Puod, at ang dalawang Contract of Service workers mula sa DSWD Region VI na sina Rhea Latumbo at Pinky Bunda, na sinasabing naroroon din sa payout.
Ayon kay Olid, ipinaalam sa kanya ng isang May Jean Puod ang tungkol sa nagaganap na pamimigay ng pera sa bahay nina Puod. Kaagad silang nagtungo ni Lagradante at iba pang kasamahan sa lugar upang beripikahin ang ulat.
“Complainant Olid, together with Complainant Lagradante and others, immediately proceeded to the identified location to verify the report. Upon arrival, they personally observed Shiela Puod seated at the terrace of her residence, with bundles of one thousand-peso bills (₱1,000.00) laid out on a table, some attached with labels bearing names and photocopied voter identification cards,” nakasaad sa petisyon.
“Present with her were Kagawad Ronilo Puod and four other individuals who appeared to be awaiting their turn to be called,” dagdag pa nito.
Matapos ang insidente, pinayuhan sila ng mga pulis na pormal na ipatala ang pangyayari. Naglabas din ng sertipikasyon ang PNP-Makato bilang patunay sa insidente.
Tatlong iba pang testigo ang nagsumite ng kani-kanilang sinumpaang salaysay na nagpapatibay sa pahayag ng mga complainant. Ayon sa kanila, tig-₱2,000 ang ibinigay ng mag-asawang Puod sa mga residente kapalit ng pangakong suporta sa kandidatura ni Haresco.
“The payout was clearly done with the objective of influencing the outcome of the May 2025 elections. The witnesses attested that the recipients were identified based on their expected support for Respondent Haresco,” sabi pa ng petisyon.
Maliban sa mga affidavit, kalakip rin sa reklamo ang mga larawan at video ng insidente ng pamimili ng boto.