Advertisers

Advertisers

Carlo Aguilar, Nangakong Uunahin ang Trabaho para sa mga Las Piñero

0 8

Advertisers

LAS PIÑAS — Sa paggunita ng Araw ng Paggawa, nangako si Carlo Aguilar, kandidato sa pagka-alkalde at dating number one na konsehal ng lungsod, na gagawing pangunahing prayoridad ang paglikha ng trabaho at lokal na hiring para sa mga Las Piñero. Binigyang-diin niya na dapat ang mga residente ng lungsod ang unang makinabang sa inaasahang pag-unlad ng Las Piñas.

“Sa susunod na limang taon, nakaabang ang Las Piñas sa isang panahon ng mabilis at malawakang pag-unlad. Ang pangako ng Tropang Villar: ang mga Las Piñero ang dapat unahing maisama sa lahat ng oportunidad sa trabaho sa ating lungsod,” pahayag ni Aguilar.

Binanggit ni Aguilar na naiwan ang Las Piñas sa usapin ng kaunlarang pang-ekonomiya kung ikukumpara sa mga karatig-lungsod sa nakaraang sampung taon, dulot ng kapabayaan at kakulangan sa aktibong pamumuno.



“Ang minamahal nating Las Piñas ay may kakayahan at potensyal na maging isa sa mga nangungunang lungsod sa Metro Manila. Pero kailangan natin ng malinaw na direksyon upang maisalin ang pag-unlad na ito sa mga trabaho at pantay-pantay na kaunlaran para sa lahat,” aniya.

Batay sa pinakahuling datos, may kabuuang 13,885 rehistradong negosyo sa Las Piñas — 13,107 ang nag-renew at 778 ang bagong rehistro. Ayon kay Aguilar, malinaw itong patunay ng lumalakas na aktibidad sa ekonomiya, at dapat ito ay magbunga ng mas maraming trabaho at kabuhayan para sa mga residente.

Kung muling pagkakalooban ng mandato sa darating na halalan, plano ni Aguilar na ipatupad ang mga sumusunod na hakbang upang palakasin ang lokal na lakas-paggawa:

Regular na job fairs sa pakikipagtulungan sa pribadong sektor upang tiyakin na lokal ang unang kinukuhang manggagawa at naaayon sa kakayahan ng mga Las Piñero ang mga bukas na trabaho.

Skills training para sa mga nawalan ng trabaho, kababaihan, at kabataan, na tutok sa mga kasanayang in-demand sa industriya upang maging mas kompetitibo ang mga residente.



Zero-interest loan program para sa maliliit na negosyante upang makapagsimula o makapagpalago ng mga negosyo gaya ng sari-sari store, carinderia, pananahi, at online selling.

Libreng pagsasanay sa digital marketing at e-commerce upang maihanda ang mga Las Piñero sa mga oportunidad sa lumalaking digital economy.

“Buy Local” campaign upang hikayatin ang suporta sa mga produkto at serbisyo mula sa mga Las Piñero, na lalong magpapalakas sa mga maliliit na negosyo at magbibigay ng mas maraming kabuhayan.

Nais din ni Aguilar na magtatag ng isang Small Business Assistance Desk sa city hall na magbibigay ng tuluy-tuloy na mentoring at suporta para sa mga micro at small enterprises.

“Lumalagong muli ang ating lungsod, at kasabay nito ang pagbubukas ng mas maraming oportunidad,” ayon kay Aguilar. “Ngunit ang tunay na pag-unlad ay nasusukat kung bawat masipag na Las Piñero ay may malinaw na landas patungo sa disenteng kabuhayan—maging sa trabaho o sa sariling negosyo.”

Dagdag pa ni Aguilar, mas paiigtingin ang mga programa sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga ahensya ng nasyunal tulad ng Department of Trade and Industry (DTI), at pag-prayoritisa sa mga programang nakatuon sa kapakanan ng tao sa pamamagitan ng mas maayos na paglalaan ng pondo ng lungsod.

“Ang mahalaga ay unahin ang Las Piñero—bigyang-lakas ang ating mga komunidad—at tiyaking walang maiiwan sa pag-unlad,” pagtatapos niya.