Advertisers

Advertisers

NTF-ELCAC: Pagkamatay ni Dee Supelanas sanhi ng mapanglinlang na recruitment sa mga kabataan ng CPP-NPA-NDF

0 8

Advertisers

Ang pagkamatay ni Jhon Isidor “Dee” Supelanas—isang alumna ng University of the Philippines Cebu at dating tagapagsalita ng Kabataan Partylist sa Cebu—sa isang armadong engkwentro sa Kabankalan City noong Abril 27, 2025 ay isang trahedya at marahas na bunga ng sistematikong pagrerekrut ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa mga kabataan at estudyante patungo sa New People’s Army (NPA).

Ito ang mariing pagkundina ng National Task Force to End Local Communists Armed Conflict (NTF-ELCAC) nitong Huwebes sa pangyayari.

Sa pahayag ni NTF-ELCAC Executive Director Undersecretary Ernesto C. Torres Jr., sinabi nitong hindi na maaaring itanggi o iwasan ng Kabataan Partylist ang katotohanang ito.



“Si Supelanas ay hindi ang una—at sa kasamaang-palad, marahil ay hindi rin ang huli—na miyembro nila na inalayan ng landas na humantong sa dahas. Ang pagluluksa sa isang kabataang may magandang kinabukasan tulad ni Supelanas, habang patuloy na isinusulong ang isang ideolohiyang nag-uudyok ng radikalisasyon at pagrerekrut ng kabataan sa armadong pakikibaka, ay hindi lamang isang anyo ng pagkukunwari kundi isang pagtataksil sa mga kabataang sinasabi nilang kanilang kinakatawan,” paliwanag ni Torres.

“Ang mga pahayag mula sa tinatawag na mga ligal na demokratikong organisasyon ay pinalalabas na ang pagkamatay ni Supelanas ay bunga ng “state-sponsored terrorism,” kasabay ng panawagang paigtingin ang “people’s war” at pagbibigay parangal sa NPA bilang “freedom fighters.” Ang ganitong anyo ng dobleng pananalita ay inaasahan na mula sa mga grupong kabataan sa ilalim ng Kabataan Partylist. Kinokondena nila ang trahedya ng armadong tunggalian, ngunit patuloy na sinusuportahan ang mismong ideolohiyang nagpapalawig nito,” dagdag pa ni Torres.

Paliwanag pa ng opisyal,” palagi nilang sinisigaw ang “red-tagging,” ngunit sa parehong hininga ay nananawagan ng pag-usad ng “people’s war” at pinupuri ang pagkamatay ng kanilang mga kasamahan na sumapi sa NPA. Sinasamantala nila ang lehitimong mga hinaing ng mga marhinalisadong sektor, lalo na ng kabataan, at ginagamit ang idealismo ng mga ito upang maisulong ang marahas na agenda.”

“Ang katotohanang si Supelanas ay dating estudyante ng University of the Philippines Cebu ay muling nagpapatingkad sa matagal nang usapin na walang pagrerekrut ng NPA sa mga pamantasan. Ngunit ilang beses na itong pinasinungalingan ng mga salaysay ng mga dating rebelde at ng mga naulilang pamilya. Hindi ang mga pamantasan ang kalaban—kundi ang CPP-NPA-NDF na sinadyang sumisingit sa mga kampus upang pagtuunan ng kanilang rekrutment ang mga idealistikong estudyante,” ani Torres.

“Nanawagan kami sa mga kabataan na tahakin ang tunay na aktibismong nagtataguyod ng nation-building at tumatanggi sa armadong pakikibaka at marahas na ekstremismo ng CPP-NPA-NDF. Maging mapagmatyag sa dobleng pananalita ng mga grupong nag-aangking para sa karapatan ninyo. Tandaan na habang tinutuligsa nila ang ROTC o ang presensya ng mga tagapagpanatili ng kaayusan sa mga kampus, wala naman silang pagtutol sa pagbibida ng walang saysay na pagkamatay ng kanilang mga miyembrong naakit sa NPA. ”



Ayon pa kay Torres, muling pinagtitibay ng NTF-ELCAC ang pagsuporta nito sa makabuluhang aktibismo at sa mandato nitong labanan ang panlilinlang at pagsasamantala. Patuloy kaming makikipagtulungan sa mga komunidad, pamantasan, guro, at lider-kabataan upang wakasan ang armadong tunggaliang komunista, ibunyag ang mga network ng pagrerekrut, at protektahan ang kabataan mula sa pagiging biktima ng huwad na rebolusyon.