Advertisers
LUCENA CITY — Naglatag ng mga panukala ang mga pambatong senatorial candidates ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas para mas palakasin pa ang mga agri-based industries ng lalawigan ng Quezon.
Sa isinagawang press conference dito ng ‘Alyansa’ nitong Biyernes, Mayo 2, bilang panunuyo pa rin ng mga botante para sa nalalapit na midterm elections sa Mayo 12, muling sinabi ni former Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang kanyang panukala na dapat ay bilihin ng national at local government ang kalahati o 50 porsiyento ng mga ani o output ng mga magsasaka sa presyong nais ng mga ito upang mapataas ang kanilang kinikita.
“Alam ninyo, isa sa mga panukala namin sa ‘Alyansa’ ay dapat ang gobyerno, national at local government, dapat sila ang bumili sa 50 porsiyento sa mga ani ng magsasaka sa kanilang presyo,” paliwanag ni Sotto.
Sa ganitong istratehiya aniya, win-win situation ito para sa mga magsasaka at sa mga konsyumer dahil bababa rin ang presyo ng mga bilihin sa mga pamilihan.
“Definitely the prices will go down, because government will sell at the same price pero kumita na sila (mga magsasaka), 50 percent you will leave it to the traders,” punto pa ni Sotto.
Pangunahing suhestiyon naman ni dating MMDA chairman at Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos ang pagpapaganda at pagsasaayos ng mga kalsada upang mapabilis ang pagbibiyahe ng mga ani ng mga magsasaka.
“Let’s talk first of the infrastructure. Malaking gastos ninyo rito iyung mga truck (delivery), etcetera. Importante siguro mass transport, trains, puwedeng pag-aralan,” sey ni Abalos.
“Pangalawa iyung Land Use Act, doon mo na ibuhos iyung farm to market roads, identified mo na eh, ibuhos mo na iyung irrigation, ibuhos mo na iyung strategic farm to market roads,” dagdag ni Abalos.
Isinusulong din ni Abalos ang paglikha pa ng mas naraming kooperatiba upang matulungan ang mga magsasaka na makahiram ng kapital sa pagtatanim.
“Tapos pangatlo, let’s talk of marketing. We should encourage cooperatives. Kasi sa cooperatives, madaling ibaba ang mga loan sa mga farmers. Kasi kung magsasaka ka, number one, kailangan mo capital, 5-6, etcetera. Pero kung cooperative ito, mas mabilis. And government would provide the policy even at ¼ even at zero percent (interest) kasi usually subsidized,” sabi pa ni Abalos.
Bukod kina Sotto at Abalos, dumalo rin sa naturang press conference ang mga kapwa ‘Alyansa’ candidates na sina dating Senador Panfilo “Ping” Lacson, ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo at Makati City Mayor Abby Binay.
Kumukumpleto naman sa 11-member powerhouse ‘Alyansa’ Senate slate na ineendorso mismo ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sina Senator Ramon Bong Revilla, Senator Pia Cayetano, Senator Lito Lapid, former Senator Manny Pacquiao, Senator Francis “Tol” Tolentino at si Las Pinas Rep. Camille Villar.