Advertisers
Isang lalaking umaming ‘bugaw’ ang lumantad at nagsampa ng mabibigat na paratang laban kay Congressman Paolo “Pulong” Duterte matapos umanong saktan siya ng mambabatas sa loob ng isang bar kaugnay sa hindi pagkakaunawaan sa bayad para sa isang pickup girl — isang insidente na nakunan ng CCTV camera sa nasabing bar.
Sa kanyang sinumpaang salaysay na isinumite sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), sinabi ni Kristone John Patria y Moreno, 37, na inatake at tinangkang saksakin siya ni Duterte sa loob ng Hearsay Gastropub sa Barangay Obrero, Davao City, dakong alas-3 ng madaling araw noong Pebrero 23, 2025.
Inamin ni Moreno na matagal na siyang nagsusuplay ng mga babae sa mga pribadong salu-salo kung saan naroroon si Duterte at negosyanteng si Charlie Tan. Ayon kay Moreno, nagsimula ang insidente nang magalit umano si Duterte matapos ireklamo ng isa sa mga babaeng kasama nila ang kulang na bayad na natanggap nito.
Sa kanyang salaysay, sinabi ni Moreno na nag-inuman sila ng ilang oras sa bahay ni Tan sa Woodridge, Maa bago tumuloy sa bar. Doon umano ay nagalit si Duterte nang malaman na isa sa kanyang mga bodyguard ay hindi nabigyan ng babaeng kasama. Lalo umanong uminit ang ulo ng kongresista nang isang babae, na hindi sumama sa kahit kanino, ay nagtanong kung bakit Php 1,000 lang ang kanyang natanggap imbes na ang naipangakong Php 13,000.
Nang makita ni Duterte ang pagtutol ng babae, doon na umano siya nawalan ng kontrol at ibinuhos ang galit kay Moreno. Ayon kay Moreno, siya ay sunod-sunod na ni-headbutt, sinuntok, sinipa at tinaga sa tagiliran habang pinagmumura at pinagbantaan ng kamatayan. “Sinabi niya sa akin, ‘Papatayin kita,’ habang ako’y kanyang inaabuso,” aniya sa kanyang salaysay.
Sinubukan umano ni Moreno na tumakas pero hinarang siya ng mga bodyguard ni Duterte na inutusan umano nitong ikandado ang mga pinto ng bar. Iniutos din umano ng kongresista na patayin ang CCTV cameras ng establisyemento, subalit naniniwala si Moreno na may bahagi ng pananakit ang naitala bago pa ito ma-off.
Ayon pa kay Moreno, umabot ng halos dalawang oras ang pananakit na sinamahan pa umano ng pagbibigay ng Php 1,000 kada suntok, sipa, o sampal na inabot niya mula kay Duterte. Umalis lamang umano si Duterte matapos ang insidente para bumalik sa Woodridge at makipagtalik umano sa isa sa mga babaeng dala ni Moreno. Pinagbantaan pa umano siya na siya ang magbabayad sa babae, at kung hindi ay papatayin siya.
Dahil sa matinding takot sa impluwensiya ng pamilya Duterte, inamin ni Moreno na hindi siya agad nagpa-medical o nagsampa ng kaso. “Alam ng lahat sa Davao kung gaano kalakas ang pamilya Duterte. Natakot ako, hindi lang para sa sarili ko kundi pati sa pamilya ko,” aniya.
Ngayon ay handa na umanong makipagtulungan si Moreno sa anumang imbestigasyon at naniniwala siyang makakatulong ang CCTV footage mula sa Hearsay Gastropub upang patunayan ang kanyang mga alegasyon.
Sa ngayon, hindi pa nagbibigay ng pahayag si Congressman Duterte hinggil sa mga akusasyon.