Advertisers
Hinatulan ng Sandiganbayan ang isang opisyal ng non-government organization (NGO) na makulong ng kabuuang 16 taon dahil sa maling paggamit ng P5 milyong pondo mula sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng isang mambabatas noong 2007.
Sa 56-pahinang desisyon ng anti-graft court, idineklarang guilty si Mylene Encarnacion, pangulo ng Countrywide Agri and Rural Economic Development Foundation, Inc. (CAREDFI), sa kasong graft at malversation of public funds.
Mula sa PDAF ni dating La Union First District Rep. Manuel Ortega ang naturang pondo para sa proyektong pangkabuhayan, ngunit nadiskubreng walang benepisyaryong nakinabang kahit natanggap na ng CAREDFI ang buong budget.
Ayon sa Sandiganbayan, hindi kwalipikado ang CAREDFI na tumanggap ng pondo dahil sa kakulangan sa accreditation requirements batay sa COA Circular No. 96-003, at dahil ang kanilang kapital na P1 milyon ay malayo sa P5 milyong halaga ng proyekto.
Tinukoy rin sa desisyon na si Encarnacion ay pumirma sa memorandum of agreement, work and financial plan, disbursement voucher, tseke, at opisyal na resibo bilang patunay ng pagtanggap ng pondo, sa kabila ng kawalan ng kwalipikasyon ng kanilang NGO.
Lumabas sa imbestigasyon na walang naisagawang seminar o naipamahaging tulong pinansyal at teknikal sa mga magsasaka ng 1st District ng La Union mula Enero hanggang Hunyo 2007, batay sa mga isinumiteng sertipikasyon at affidavit ng mga lokal na opisyal.
Bagaman itinanggi ni Encarnacion na opisyal o miyembro siya ng CAREDFI, inamin naman niya na isa siyang empleyado ng Janet Lim Napoles Corporation – na sinasabing may kontrol sa nasabing NGO.
“Ang pagtanggap ni Encarnacion ng pondo para sa CAREDFI kahit hindi kwalipikado, at sa kabila ng kawalan ng liquidation report, kasabay ng hindi pagpapatupad ng proyekto, ay patunay na siya ay nakipagsabwatan para malustay ang pondo ng bayan,” ayon sa Sandiganbayan.
Sinentensiyahan si Encarnacion ng 10 hanggang 18 taon para sa kasong malversation, at 6 hanggang 10 taon para sa kasong graft.