Advertisers

Advertisers

“Totoong Serbisyo Publiko, Hindi Lang Pamamalakad – Ate Sarah”

0 3

Advertisers

NANINIWALA si mayoralty candidate Sarah ‘Ate Sarah’ Discaya na ang mga Pasigueño ay nararapat tumanggap ng konkretong serbisyo publiko – hindi lamang maayos na pamamalakad – upang makatawid sa mga hamon ng buhay.

“Para rin ako sa good governance. Gusto ko rin ‘yan. Pero dapat may kalakip na konkretong resulta. Anim na taon ang ibinigay sa kasalukuyang administrasyon pero walang naitayong mga paaralan, ospital, at pabahay na siyang tunay na kailangan ng mga Pasigueño,” ani Discaya.

“Usapang sikmura. Usapang kinabukasan. Kalusugan. Tirahang disente. Ito ang tunay na pangangailangan ng tao. Hindi sapat ang puro sinasabi lang na malinis at maayos na pamamalakad ng gobyerno,” dagdag pa niya.



Ayon pa kay Discaya, “Walang pangarap o bisyon ang matutupad kung ang lider mismo ay hindi marunong magsimulang tuparin ang kanyang mga pangako.”

Tiwala si Discaya na kayang baguhin ang Pasig sa pamamagitan ng makabagong pamamahala at teknolohiya upang maging isang “smart city” – isang lungsod na epektibo, moderno, at may sistemang nakatutok sa maayos na serbisyo para sa bawat Pasigueño.

Sa ilalim ng “Team Kaya This,” dadalhin ni Ate Sarah ang kanyang karanasan bilang isang negosyante upang itaas ang antas ng imprastruktura at serbisyong panlipunan sa lungsod.

Ilan sa kanyang pangunahing programa ang pagtatayo ng isang 11-palapag na university building, isang 7-palapag na high school building, at isang makabago at kumpletong elementarya para palawakin ang oportunidad sa edukasyon ng kabataang Pasigueño.

Pangako rin niya ang pagtayo ng isang makabago at kumpletong ospital na 11 palapag na may state-of-the-art na kagamitan, libreng gamot, at zero billing — at matatapos ito sa loob ng dalawang taon sakaling mahalal.



Isusulong din ni Discaya ang mga vertical housing projects upang tugunan ang krisis sa pabahay at magtatayo ng isang ultramodern transport terminal na magsisilbing sentro ng pampublikong transportasyon para sa mas maayos at maginhawang biyahe ng mamamayan.

Upang matugunan ang lumalalang trapiko sa lungsod, nais niyang magpatayo ng sensor-based traffic system at mga vertical parking buildings para sa mga motorista.

Isasama rin sa kanyang adyenda ang pagpapabuti ng flood control policy upang mabawasan, kung hindi man tuluyang maiwasan, ang pinsalang dulot ng pagbaha tuwing tag-ulan.

Kabilang pa sa mga plano ni Ate Sarah ang:

Pagpapalakas ng kakayahan ng lungsod sa aerial firefighting at rescue

Pagtatayo ng bagong kalsada at malawak na esplanade sa tabi ng Ilog Pasig

Digitalization ng mga serbisyo sa city hall at ospital

Pagkakaroon ng libreng city-wide Wi-Fi

At pagtatayo ng modernong command center para sa pagpapatupad ng city-wide anti-crime CCTV monitoring system

“Ito ang tunay na kailangan naming mga Pasigueño — mga proyektong magpapagaan ng araw-araw naming laban sa buhay. Ito ang iniaalay ko sa inyo. Ito ang aking mga pangako. Mga pangakong kayang-kaya kong tuparin,” pagtatapos ni Discaya.