Advertisers

Advertisers

Gov. Fernando ‘di dapat umepal sa Prime Water issue ‘LIVING-OUT’ KILLERS PANGANIB SA BULACAN!

0 13

Advertisers

NANAWAGAN ang mga kritiko ni Bulacan Governor Daniel Fernando na huwag na itong “umepal” sa isyu ng masamang serbisyo ng ‘Prime Water’ na pag-aari ng mga Villar at sa halip ay ipaliwanag ang nabistong malayang paglabas ng ‘hardened criminals’ sa Bulacan Provincial Jail.

Sa media forum sa Quezon City nitong Sabado, sinabi ni Orlan Mauricio, dating direktor at lifetime member National Press Club (NPC), bagaman mahalaga ang tubig, mas nakakabahala sa mga residente ang kontrobersiyal na pagkahuli noong Abril 13 ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kina Abdua Hasim Arajalon at Mario Mariano San Jose Jr. sa isang bahay sa Purok 3, Barangay Dakila, Malolos City.

Si Arajalon ay nakakulong noon pang 2019 sa kasong murder, habang detenido si San Jose sa kasong homicide. Bukod sa dalawa, nahuli rin ang jail guard na si Jail Guard Teejay Libiran Jimenez at asawa ni Arajalon na si Sarah Caytano Wahid.



Natagpuan naman sa loob ng bagong Toyota Hilux ni Arajalon (DBP 4085) ang dalawang pistola at mga bala na gamit umano ng mga suspek.

‘Yung tubig, kahit paano, makakabili ka kahit saan, mabubuhay ka pa, pero ‘yung may gumagalang mga kriminal, walang ligtas na mamamayan, isang bala ka lang,” ani Mauricio.

Sapul noong isang taon, dalawang ‘broad daylight ambush’ na ang naitala sa Bulacan na ‘unsolved’ pa rin hanggang sa kasalukuyan, ani Mauricio.

Unang napatay sa ambush Oktubre 3, 2024 si Bulacan board member Ramil Capistrano at kanyang driver sa Malolos City. Patay din sa pananambang nitong Marso 21 ang tatlo katao sa Bgy. Capihan, San Rafael, Bulacan.

Ani Mauricio, ang mga ganitong karahasan na wala paring kasagutan ang naglagay sa Bulacan sa estadong ‘Yellow’ ngayong halalan.



Kinuwestyon din ni Mauricio ang maluhong pamumuhay nina Arajalon at San Jose habang mga bilanggo sa Bulacan Provincial Jail.

Nakapagtataka, aniya, na bagaman detenido, nakabili pa ng bagong Toyota Hilux si Arajalon noon lang Disyembre na halagang higit P2 milyon kungsaan nakumpiska ng CIDG ang mga baril at bala Abril 13.

Sa bukod na pahayag sa media, sinabi ni Gov. Fernando na “sinuspindi” na niya si Jail Warden retired police colonel Rizalino Andaya at tatlo pang jail guards dahil sa eskandalo. Papalitan aniya si Andaya ni Manuel Lucban Jr., hepe ng Bulacan PDRRMO.

Walang pahayag ang gobernador kung mayroong imbestigasyong isinasagawa laban kay Andaya.