Advertisers

Advertisers

Kandidatong mayor, 4 pa pinaaaresto sa P33m estafa

0 6

Advertisers

Pinaaaresto ng Batangas Regional Trial Court ang isang barangay chairman na kandidato sa pagkaalkalde sa isang bayan sa Quezon sa May 12 elections, kasama ang apat pang katao sa kasong P33 million syndicated estafa.

Batay sa court order na inilabas nitong Abril 28, 2025 ni Regional Trial Court-Branch 13 Judge Pamela Chavez-Izon, pinaaaresto si Vincent Victor Reyes, Brgy. Pagkakaisa, San Narciso, Quezon gayundin ang kanyang ina na si Merian; dalawang kapatid na sina Vincent Dominic at Ma. Kristina Victoria Reyes at isang nagngangalang Ramon Villapando. Kasabay nito, nagbaba rin ng kautusan si Immigration Deputy Commissioner Aldwin Alegre batay sa rekomendasyon ni BI-Legal Division chief Arvin Cesar Santos na maging alerto laban sa posibleng pag-alis sa bansa ng mga akusado.

Ayon sa rekord, ang mga akusado, bukod kay Villapando, ang nagmamay-ari ng Star Horse Shipping Lines, na naitatag noong 2008 at kilala sa pagdadala ng mga pasahero at kargamento lalo sa mga lalawigan ng Marinduque at Romblon.



Bagama’t naibalik na umano ng mga akusado ang halagang P7-milyon mula sa naging loan nila na may kinalaman sa isang hindi nakumpletong rice deal, mayroon pa umanong natitirang P33-milyon na diumano ay ayaw nang ibalik. Sila ay nahaharap sa kasong “syndicated estafa” sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code kung saan ito ay isang non-bailable offense.

Kamakailan lamang, naging usap-usapan lalo sa sports community ang paglutang ng pangalan ng Star Horse Shipping Line nang magkaroon ito ng interes na makuha ang prangkisa ng ­Terrfirma Dyip sa Philippine Basketball Association subali’t hindi ito nagtagumpay nang umanong hindi nito natugunan ang financial requirements na hinihingi ng may-ari ng nasabing PBA team.