Advertisers
KUMPIRMADONG dadalo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa nalalapit na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) summit na gaganapin sa Kuala Lumpur, Malaysia mula Mayo 26 hanggang 27 ngayong taon.
Ginawa ni Palace Press Officer Claire Castro ang pahayag sa media briefing sa Malakanyang bilang parte na rin aniya ng patuloy na pakikibahagi ng Pilipinas sa mga usaping pangrehiyon na may kinalaman sa ekonomiya, seguridad, at kooperasyong panrehiyon.
Maaalala na nitong Biyernes ay nagkausap sa telepono sina PBBM at Malaysian Prime Minister Anwar Ibrahim kung saan tinalakay ng dalawang lider ang mga pangunahing isyu sa rehiyon, kabilang na ang pagbangon ng Myanmar matapos ang lindol, at ang patakaran ng Estados Unidos ukol sa taripa na may epekto sa kalakalan sa Timog-Silangang Asya.
Samantala, inaasahan namang ilalatag ni Pangulong Marcos sa ASEAN ang mga posisyon ng Pilipinas kaugnay sa mga kritikal na usapin sa rehiyon, habang pinapalakas din ang ugnayan at kooperasyon sa pagitan ng mga bansang kasapi ng organisasyon. (Gilbert Perdez)