Advertisers
Inaresto ang tatlong lalaki matapos na magpanggap na mga tauhan ng Commission on Elections (COMELEC) sa Sta. Cruz, Laguna.
Ang mga suspek na pawang mga residente ng Brgy. Salvacion, La Loma, Quezon City ay nakilalang sina Noli Placido Giliberte, 64-anyos, Joel Placido Giliberte, 73-anyos at Jose Nazario Cordoba Cayado, 46-anyos.
Sa impormasyon ibinahagi ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia, ang tatlo ay nagtungo sa Silangan Elementary School, Brgy. San Pablo Norte, Sta. Cruz Laguna kung saan nagpakilala sila na mga tauhan ng COMELEC Main Office sa Intramuros.
Nagpakita pa ng COMELEC Task Force Kontra Bigay ID ang tatlo saka sinabing kanilang iinspeksyunin at susuriin ang mga Automated Counting Machines (ACM) kung saan isa-isa nilang kinuhanan ng larawan ang mga makina.
Pero, nadiskubre ng COMELEC Election Officer ng Sta. Cruz na si Patrick Arbilo na peke ang tatlo matapos makipag-ugnayan sa Provincial COMELEC ng Laguna kung kaya’t agad niyang ipinaaresto ang mga suspek.