Advertisers
Kulong ang isang lalaki na akusado sa pangmomolestiya sa isang menor-de-edad nang matunton ng pulisya sa kanyang pinagtataguang lugar sa Caloocan City.
Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Paul Jady Doles, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa tinutuluyang lugar ng 38-anyos na akusado na nakatala bilang No. 8 Top Most Wanted Person sa lungsod.
Sa ulat, ala-1:45 ng madaling araw nang maispatan ang target ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section ng Caloocan police ang akusado sa Abbey Road 2, Barangay 73.
Dinakip ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong April 10, 2025 ng Caloocan City Regional Trial Court, Branch 1 para sa kasong Acts of Lasciviousness under Article 336 of the Revised Penal Code in relation to Section 5(b) of RA 7610 na may inirekomendang piyansa na P180,000.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Caloocan police Investigation and Detective Management Section – Warrant and Subpoena Section (IDMS-WSS) habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte para sa paglilipat sa kanya sa City Jail.(Beth Samson)