Advertisers
Nagpalabas ng Temporary Restraining Order (TRO) ang Regional Trial Court ng Taguig na inaatasan ang City Government ng Makati na kaagad alisin ang paghaharang na magamit at ariin ng Taguig City ang lahat ng government-owned facilities sa EMBO barangays.
Ipinalabas ang Order nitong Mayo 5 ni Executive Judge Loralie Cruz Dataha ng RTC-Taguig na nagpapatupad sa ‘pinal at executory decision ng Korte Suprema sa G. R No, 235315 na kinumpirma na nasasakop ng Taguig City ang Barangay Cembo, South Cembo, Comembo, East Rembo, West Rembo, Pembo (including Rizal), Pitogo, Post Proper Northside, and Post Proper Southside—na kilala bilang EMBOs.
Pinipigilan ng TRO ang Makati at sinumang kinatawan o ahente nito na ipagkait sa Taguig ang pagpasok at paggamit sa ari-arian at pasilidad na matatagpuan sa EMBO barangay, at huwag makialam sa Taguig na gawing eksklusibong pagmamay-ari at operasyon nito sa naturang public facilities.
Sakop ng kautusan ang pasilidad tulad ng health centers, covered courts, multi-purpose buildings, day care centers, parks, at iba pang government properties na nakalaan sa public use sa ilalim ng Proclamation Nos. 518 at 1916.
Sa kabila nang pinal na desisyon ng Supreme Court noong 2022, hindi pumayag ang Makati na kunin ng Taguig ang lahat ng naturang pasilidad at isinara ng Makati ang ilang health center at day care center kaya hindi nagamit ng taga-EMBO barangay ang pasilidad dahil ipinagkait sa kanila ng Makati ang paghahatid ng pangunahing serbisyo.
Napatunayan ng Korte na ang Taguig,“has sufficiently established extreme urgency for the present application , and that it stands to suffer grave injustice and irreparable injury without the injunctive relief prayer for”.
Malugod na tinanggap naman ni Taguig City Mayor Lani Cayetano ang kautusan ng Korte na tumutugon sa pag-asa ng lungsod na magkaroon ng full access ang mamamayan ng EMBO barangay sa naturang barangay.
“Malaking tagumpay ito para sa mga taga-EMBO. Ngayong nasa Taguig na ang pamamahala ng lahat ng pasilidad na ito, titiyakin nating bukas at ganap na mapapakinabangan ito ng mga taga-EMBO—hindi isasara, hindi haharangan, kundi pagbubuksan para sa serbisyong noon pa man ay dapat nilang napapakinabangan.”