Advertisers

Advertisers

Nagsampa ng kasong vote buying sa mga Teodoro, tao ni Quimbo

0 5

Advertisers

TAO at masugid na tagasuporta ni Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo ang nagsampa ng kasong vote buying laban sa mag-asawang sina Marikina Mayor Marcy Teodoro at Marikina 1st District Rep. Maan Teodoro.

Batay sa pagbusisi sa Facebook n John David Reyes Ramos, ang nagsampa ng kaso laban sa mga Teodoro sa Commission on Elections, lumilitaw na siya’y masugid na tagasuporta at tagapagpakalat ng mga propaganda ni Quimbo.

Panay din ang batikos ni Ramos sa kampo ng mga Teodoro sa kanyang mga post habang puro papuri naman sa mga Quimbo.



Hindi ito ang unang pagkakataon na ginamit ni Quimbo ang kanyang mga tao para magsampa ng walang basehang kaso laban sa mga Teodoro.

Magugunitang napaamin ng media si Sofronio Dulay na kaalyado siya ng mga Quimbo sa isang panayam matapos siyang magsampa ng kaso laban kay Mayor Teodoro sa Office of the Ombudsman.

Sa kanyang Facebook, panay ang puri ni Dulay kay Quimbo at sini-share din niya ito sa iba pang Facebook page na may kinalaman sa Marikina.

Inisyuhan kamakailan ng Comelec si Quimbo, na tumatakbong alkalde ng Marikina at asawa nitong si Miro Quimbo, na tumatakbo bilang kongresista ng 2nd District ng siyudad dahil sa vote-buying at Abuse of State Resources (ASR).

Isang lalaki naman ang namatay sa gitna ng isang payout activity ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ni Quimbo sa Marikina Sports Center.



Batay sa inisyal na ulat, pumila ang 20-anyos na lalaki Basco sa payout site kasama ang kanyang live-in partner bandang alas-7 ng umaga. Pagsapit ng alas-4:10 ng hapon, nakaranas siya ng hirap sa paghinga at nawalan ng malay sa lugar.

Dinala siya sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center (ARMMC) at idineklarang patay ng mga doktor bandang alas-5:09 ng hapon.

Batay sa paunang ulat, ang biktima’y namatay dahil sa atake sa puso dulot ng labis na pagod at init.

Hindi agad nadala sa ospital ang biktima dahil mas inuna pa ng mga coordinator ni Quimbo ang pagpigil sa mga tao na magvideo ng insidente.

Sa isa pang video, makikita ang mahabang pila ng mga residente habang nakabilad sa matinding init ng araw sa labas ng Marikina Sports Center.