Advertisers
Isang driver ng truck-for-hire na gamit ng Commission on Elections sa paghahatid ng election supplies sa ibat-ibang lugar sa Mindanao ang nasawi ng bumulusok sa bangin ang kanyang minamanehong truck sa Upper Puerto sa Cagayan de Oro City nitong gabi ng Lunes, May 5, 2025.
Kakahatid lang sa Valencia City sa Bukidnon sa Region 10 ng naturang truck, pag-aari ng F2 Logistics na kontratado ng Comelec sa paghahatid ng mga election paraphernalia sa malalayong lugar, ng biglang nawalan ng kontrol ang driver nito kaya lumihis at bumulusok sa malalim na bangin sa gilid ng highway.
Pabalik na sana ang truck sa Cagayan de Oro City, ang kabisera ng Region 10, ng maganap ang aksidenteng nagsanhi sa pagkamatay ng driver nito.
Sa mga hiwalay na ulat nitong Miyerkules ng Cagayan de Oro City Police Office at mga senior provincial Comelec officials sa Bukidnon, inaalam pa ng mga imbestigador kung ano pa ang natitirang mga kargamentong lulan ng naaksidenteng truck upang magawan ng proper accounting at mailigpit ng maayos.