Advertisers
Iginiit ni reelectionist Sen. Lito Lapid na dapat mapanatili ang iconic traditional jeepney sa pagmo-modernize ng public utility vehicles.
“Kaya naman natin na gawing modernize ang mga traditional jeepney natin, maging aircon para maging komportable ang pagsakay ng ating mga pasahero, at ‘yung iba pa nga pinapatakbo na ng kuryente” ayon sa senador.
Dapat umanong suportahan at bigyan ng subsidiya ng gobyerno ang mga local manufacturer ng traditional jeepney na gumagawa na ng makabagong sasakyan alinsunod sa public transport modernization program (PTMP).
“Habang nire-review ang implementasyon nito, tulungan natin ang mga local manufacturer na makagawa ng makabagong sasakyan na kapareho ng mga traditional jeepney natin, upang sa gayon ay patuloy pa rin natin silang makita sa ating mga lansangan sa mga susunod na henerasyon pero modernized na. Ito ay isang Tatak Pinoy na dapat pinapahalagahan,” sabi pa ni Lapid.
Si Lapid ay naging konduktor din ng jeep sa Pampanga noon.
Suportado ng senador ang konseptong Tatak Pinoy o Filipino First policy at ang iconic na traditionally-designed jeepney ay isang magandang halimbawa nito. Bumoto siya sa pagpasa sa senado ng Republic Act 11981 o ang Tatak Pinoy (Proudly Filipino) Act na humihikayat at nagsusulong ng mga lokal na produkto at serbisyo.
Kasalukuyang nakabinbin ang implementasyon ng PTMP at isa si Lapid sa pumirma sa isang senate resolusyon na humihiling na isantabi muna ang nasabing programa na ang dating tawag ay public utility vehicle modernization program, upang mas mapulido ito at matugunan ang mga hinaing ng mga operator at tsuper.
Ilan sa mga reklamo ng mga transport group ang napakamahal na presyo ng mga modern public utility vehicle na mini-bus ang disensyo at inaangkat pa sa ibang bansa, at kakulangan sa subsidiya upang makabili nito.
Bilang pagsuporta sa modernized iconic traditional jeepney, si Lapid ay nag-motorcade ngayong Martes sa Muntinlupa at Las Pinas cities kasama ang dalawang traditionally-designed modern jeepney.
Umikot din si Lapid na tumatakbo para sa kanyang ikaapat na termino sa Senado sa lungsod ng Taguig ngayong hapon.