Advertisers
BUBUKSAN muli ang aplikasyon para sa consolidation para sa mga traditional na jeepney sa ilalim ng Public Transport Modernization Program (PTMP).
Ito ay matapos na pirmahan na ni Department of Transportation (DOTr) Sec. Vince Dizon ang Department Order Number 2025-009 na nagbibigay ng guidelines para sa mga individual na operator at driver na hindi nakapag-consolidate.
Batay sa walong pahinang kautusan, sakop ng department order ang mga public utility jeepney at UV express na nabigong makapag-consolidate o may mosyon na matanggap ang kanilang consolidation at may unit na kumpirmado ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at rehistrado ng Land Transportation Office (LTO) sa mga taong 2023-2024.
Kasunod nito, pinaiisyuhan ng LTFRB ang mga unconsolidated individual operators ng provisional authority o PA.
Paliwanag ng LTFRB may validity ang PA ng isang taon at maaring palawigin o i-renew depende sa guidelines ng ahensiya.
Giit ng LTFRB, isang special committee ang magpaprayoridad sa proseso ng consolidation patungo sa pagpasok sa PTMP.