Advertisers
NAHAHARAP sa kasong disqualification case (DQ) si Santa Fe Cebu Re-electionist Mayor Ithamar Espinosa dahil sa paglabag nito sa Section 68 na may kaugnayan sa section 261 (e) ng Omnibus election Code at Section 30 (b) at 34 (b) Article III ng Comelec Resolution No 11104.
Mismong si Rey Dela Pena, Jr., na isang botanteng residente sa Cabrera St. Brgy. Talisay, Santa Fe , Cebu ang naghain ng reklamo laban kay Espinosa sa Commission on Elections (Comelec) na inihain noong Abril 29, 2025 na mayroong SPA No.-25-099(DQ).
Sa labing-anim na pahinang reklamo lumalabas na inabuso ni Espinosa ang kanyang kapangyarihan upang takutin at busuhin ang mga Job Order (JO) na empleyado ng kanilang munisipalidad.
Batay sa nilalaman kuwento ni Dela Pena na noong Disyembre 2023 ay nag-aplay siya bilang isa sa empleyado ng munisipalidad sa ilalim ng JO na kung saan ay natanggap siya ay nagsimula sa trabaho noong Enero 2, 2024 ngunit bago siya matanggap at ang kaniyang pinal interview ay ininterview din siya ni Espinosa at sa kalaunan ay natanggap siya.
Si dela Pena ay tinalaga bilang legislative staff sa tanggapan ni Sangguniang Kabataan Federation (SKF) President Mark Joefel Illut nguni’t sa kabila nito ay maliwanag na sinabi sa kanila na lahat silang JO ay nasa kontrol pa din ng tanggapan ni Mayor.
At matapos ngang matanggap si Dela Pena ay napasama siya sa Human Resources Management Officer (HRMO) Messenger Group na kung saan naniniwala siyang ito ang official na lugar para sa kanilang komunikasyon at sila ay nasa ilalim ng pangangasiwa ni Mayor.
At noong October 2024 ay itinalaga si Engr. Luisito Espinosa na pinsan ni Mayor bilang bagong pinuno ng HRMO na kung saan naniniwala si Dela Pena na lahat ng utos at sabihin nito ay galing kay Mayor lalo na’t bukod sa pagiging magkamag-anak ay super close sila.
Subali’t noong Agosto 15, 2024 ay nagbitiw na si Dela Pena sa kanyang trabaho subali’t nanatili siyang bahagi ng group chat kung kaya’t dito niya natuklasan ang ginawang pang-aabuso at pakinabang ni Mayor sa mga empleyadong JO para sa kanyang interest pulitikal at kampanya.
Nabatid ni Dela Pena na puwersahang pinadadalo ang mga JO sa mga meeting ni Mayor gayundin ang puwersahang pagpapaluto sa mga ito ng mga pagkaing ipinapakain sa mga sumasama sa kampanya ni Mayor sa kabila na sila ay nasa oras pa ng trabaho.
Kabilang sa mga pagkakataon na tinukoy ni Dela Pena ay noong April 2025 na kung saan isang mensahe ang pinadala ni Espinosa na required ang lahat ng JO na tumulong sa pamamahagi ng pagkain at tubig at magsuot ng puting damit at kung mayroong campaign shirt ay iyon ang isuot at huwag kalimutang ngumiti at sabihin ang tag line.
Isa pa sa tinukoy ni Dela Pena ay noong Abril 4, 2025 na kailangang magtungo ang lahat sa plaza ng alas-otso ng umaga para tumulong sa Caravan at ang hindi tutulong ay makakatanggap ng sanction at hindi na mare-renew pa ang kanilang kontrata.
At silang lahat ay pinilit na noong Abril 9, 2025 ng alas-nuwebe ng umaga na magluto ng pagkain para sa Caravan at kailangang full force sila sa plaza ng ala-una ng hapon dahil doon mag-a-attendance.
Dahil dito naniniwala si Dela Pena na ginamit ni Mayor ang kanyang pamangkin upang abusuhin ang mga bagay-bagay na mayroon ang pamahalaan kabilang na dito ang man power.
Tinukoy pa ni Dela Pena na ang puwersahang pagpapahanda ng pagkain ng JO ay ginagawa sa tahanan mismo ni Mayor Espinosa sa Barangay Pooc, Santa Fe, Cebu ay maliwanag pa sa sikat ng araw na maituturing na isang uri ng pang-aabuso at pananakot gamit ang kanyang kapangyarihan na imbes sa City hall nagre-report at sa mga mamamayan nagsisilbi ang mga empelyado.
Maliban pa dito ay ginagamit din ni Espinosa ang Motorpool at General Services OFFice (GSO) ng munisipalidad para sa kanyang kampanya.
Dahil dito hiniling ni Dela Pena sa Comelec ang agarang disqualification sa kandidatura ni Espinosa, at sa sandaling makakuha ng mayoryang boto ang Alkalde ay dapat na isuspende ang kaniyang proklamasyon bilang nanalong mayor, at ang agarang pagsasagawa ng kaukulang imbestigasyon ukol sa kanyang inihaing reklamo laban kay Mayor.
Umaasa si Dela Pena na agarang bibigyang pansin ng Comelec ang kaniyang petisyon lalo na’t ilang araw na lamang ay halalan na.