Advertisers

Advertisers

Sarah Discaya sa mga Pasigueño: Piliin ang mga pinunong inuuna kayo

0 3

Advertisers

Nanawagan ngayong araw si mayoral candidate Sarah Discaya sa mga Pasigueño na maging matalino sa pagboto at piliin ang kinabukasan sa darating na halalan sa Mayo 12.

“Bumoto nang may talino. Bumoto nang may puso. Bumoto nang may paninindigan. Bumoto para sa kinabukasan,” panawagan ni Discaya.

Hinimok niya ang mga botante na suriing mabuti ang kanilang pagpipilian at suportahan ang mga kandidatong inuuna ang kapakanan ng publiko kaysa personal na interes, kasabay ng pagbatikos sa P9.6 bilyong badyet ng kasalukuyang administrasyon para sa pagpapatayo ng bagong gusaling pamahalaan ng Pasig.



“Sa parehong P9.6 bilyon, makakapaglatag ako ng malinaw, makatao, at inklusibong plano ng pamumuhunan,” ani Discaya.

“Parehong badyet—ngunit dalawang magkaibang direksyon. Sa ilalim ng aking pamumuno, hindi lang gusali ang nakikita ko. Nakikita ko ang kinabukasan ng bawat Pasigueño sa bawat pisong ginagastos.”

Ayon sa kanya, kaya niyang itayo ang parehong gusali ng city hall—kapareho ang laki at disenyo—sa halagang P2.7 bilyon lamang.

“Kailangan natin ng maayos na serbisyo, pero ang tunay na prayoridad ay ang tao, hindi ang opisina,” sabi niya.

Ipinangako rin ni Discaya na ilalaan ang natitirang pondo sa mga sumusunod na proyekto:



Isang 11-palapag na pampublikong ospital sa halagang P500 milyon: “Para sa mga inang napipilitang manganak sa traysikel, sa mga batang may lagnat, sa mga pamilyang walang pera ngunit karapat-dapat mabuhay.”

Limang 11-palapag na pabahay para sa halagang P2 bilyon.

Isang 11-palapag na gusali para sa pampublikong unibersidad sa halagang P500 milyon: “Para sa kabataang ang hadlang lang ay kahirapan, hindi kakayahan.”

Limang 7-palapag na gusali para sa high school sa halagang P500 milyon upang maibsan ang siksikan sa mga silid-aralan.

Limang 4-palapag na gusali para sa elementarya sa halagang P500 milyon.

Dalawang bagong tulay sa halagang P300 milyon upang ikonekta ang Pasig sa mga bagong oportunidad.

Kalsada sa Barangay Pinagbuhatan para sa halagang P100 milyon: “Para maramdaman ng mga nasa laylayan ng Pasig ang pag-abot ng progreso.”

Drainage at flood control sa Pinagbuhatan para sa P100 milyon: “Upang ang mga pamilyang takot sa baha ay ‘di na kailangang matulog sa sako ng buhangin.”

Tatlumpung multi-level na multipurpose halls at covered courts sa halagang P1.5 bilyon: “Mga espasyo para sa komunidad at kabataan upang maglaro, magsanay, at mangarap nang malaki.”

“Bawat piso ay mahalaga. Bawat proyekto ay nakakaangat. Bawat pamilya ay may kinabukasang mas maganda,” sabi ni Discaya.

Iginiit niyang sa plano ng kasalukuyang pamahalaang lungsod, ang buong P9.6 bilyon ay ilalaan lamang sa isang gusali—walang ospital, walang paaralan, at walang pabahay.

“Simple lang ang punto: Parehong badyet. Magkaibang prayoridad. Ate Sarah: pabahay, kalusugan, edukasyon, kaligtasan, kabataan, at komunidad. Mayor Vico: isang engrandeng opisina para sa sarili,” dagdag niya.

Tanong niya sa mga Pasigueño: “Pera ito ng bayan—talaga bang para sa bayan ang paggagamitan?”

“At tanungin ninyo ang inyong sarili: Sino ba talaga ang may malasakit? Sino ang nakikinig? Sino ang inuuna kayo? Ang lider na nagpapalaganap ng biyaya sa buong lungsod? O ang lider na ginastos lahat sa iisang gusali?”